Umani ng iba't ibang reaksiyon at komento ang nakasaad sa isang Facebook page na nagsasabing ibang-iba raw ang "DongYan" o sina Kapuso Primetime King at Queen Dingdong Dantes at Marian Rivera nang mapunta sila sa Kapamilya Network.
Puring-puri kasi ng mga netizen ang comeback movie nilang "Rewind" na nangunguna ngayon sa takilya, at kahit na hindi nakakuha ng mga award, puring-puri naman ng mga manonood ang kuwento at aktingan ng mag-asawa.
Matatandaang nagkaroon ng diskusyunan sa mga netizen kung sino nga ba ang "bumuhat" sa pelikula; ang Star Cinema ng ABS-CBN na markado na sa pagpo-produce ng mga de-kalibreng pelikula, o ang acting prowess at karisma ng DongYan.
MAKI-BALITA: Netizens nagtatalo: Bumuhat sa ‘Rewind,’ DongYan o Star Cinema?
Lalong naglatang ang talakayan nang ideklara ng isang fan-based Facebook page na "Mega Kapamilya" na ibang-iba raw ang DongYan nang mabigyan ng proyekto sa Kapamilya.
"DongYan ibang-iba kapag nasa Kapamilya," mababasa sa pubmat ng page.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.
"Wag masyado credit grabber hiniram lang yan hahaha kung magagaling artista ng Dos bakit Dongyan kinuha? Tsaka wala ng prangkisa Bankrupt pa po kaya wag na masyado magyabang kaya lalo kinakarma e."
"True naman kasi. Imagine, Star Cinema pa ang nagbigay ng box-office movie sa dalawa, eh ang tagal na nila sa GMA. Saka mas naappreciate at applauded 'yong acting prowess nila dahil sa execution ng SC."
"Matagal na silang sikat, huwag feelingera!"
"Iba naman talaga GUMAWA ng movie ang Star Cinema papatok sa takilya talaaga bagay talaga sa DongYan ang movie na Rewind."
"Binuhay ng DongYan ang Star Cinema! Kaya atat na atat silang makuha ang magic nina Marian & Dingdong!"
"Gamit na gamit ang Dongyan ng Star Cinema ah, sila talaga ang nagbuhat ng movie producing arm ng ABS-CBN this year, huling alas ng Star Cinema dahil papalugi na."
"Huwag na kayong magtalo, they both benefited naman."
Samantala, si Marian ay inaabangan na sa kaniyang pagbabalik-seryeng "My Guardian Alien" habang si Dingdong naman ay abala sa kaniyang hosting stints sa "Family Feud" at "Amazing Earth."