Nagbigay ng mensahe si Vice President at Department of Education Secretary Sara Z. Duterte para sa pagpasok ng Bagong Taon sa kaniyang Facebook post nitong Linggo, Disyembre 31.

Ayon kay Duterte, nais daw niyang salubungin ang 2024 nang may positibo at progresibong pananaw sa buhay para sa magandang kinabukasan ng bawat Pilipino.

“Ang taong 2023 ay isang makulay na taon para sa ating bansa at pati na rin sa buong mundo - maraming istorya ng tagumpay, pagsubok at pag-asa ngunit bilang isang Pilipino, tayo ay nananatiling malakas at matatag,” saad ni Duterte.

“Kaya naman ang ating pananaw sa kinabukasan ay mananatiling malinaw: na patuloy tayong maghahatid ng serbisyong tapat. Patuloy nating paiigtingin ang ating hangarin para sa kapayapaan at kaginhawaan ng bawat pamilyang Pilipino. Hindi kailanman tayo magpadadaig sa ano mang pagsubok na darating,” aniya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Hinahangad din daw ni Duterte na sa pagsapit ng Bagon Taon ay magkaroon ng bagong pag-asa, lakas, at matibay na determinasyon ang mga Pilipino para magsumikap at magkaisa upang mapabuti ang kalagayan ng bawat isa.

“Kasama ng aking buong pamilya, ako ay nagdarasal na ang bawat isa sa inyo ay magkakaroon ng mapayapa, ligtas, at maligayang pagdiriwang ng bagong taon,” panapos niya.