Sabi nga, 2023 daw ang "taon ng hiwalayan" sa mga sikat na celebrity couple, na talaga namang pinag-usapan hindi lamang sa apat na sulok ng showbiz industry kundi maging sa buong bansa (at ang isa ay parang naging national issue at concern pa).
Halina't balikan natin ang mga pinaka-tumatak at pinag-usapang showbiz couple breakup ng 2023 (habang pinakikinggan ang patok na awiting "Ere" ni Juan Karlos Labajo):
1. Kris Aquino at Mark Leviste
Hulyo nang kumpirmahin ni Queen of All Media Kris Aquino na wala na sila ni Batangas Vice Governor Mark Leviste sa pamamagitan ng kaniyang mahabang Instagram post. Walang third party involved; ang highlight ng pakikipaghiwalay ni Kris ay dahil ayaw na niyang makaabala pa kay Mark sa tungkulin nito bilang isang public servant.
Ngunit noong Oktubre, mukhang “nagkabalikan” at naayos na ang “harmonious at supportive relationship” nina ng dalawa batay sa latest Instagram update ni Tetay, sa pagbisita sa kaniya ng kaibigan at “panganay” na si Kapamilya star Kim Chiu.
Ayon sa edited Instagram post ni Kris, muli silang nagkita ni Mark dahil ito ang nagsilbing videographer upang kunan ang reunion nila ni Kimmy. Sa kaniya raw nakipag-coordinate si Kimmy para makadalaw sa kaniya.
MAKI-BALITA: Kris Aquino at Mark Leviste, ‘nagkabalikan’
Ngunit sa pagpasok ng Nobyembre, tila naudlot na naman ang relasyon ng dalawa dahil daw sa "long distance relationship" na hindi raw kaya ng Queen of All Media, ayon kay Cristy Fermin.
MAKI-BALITA: Kris Aquino, Mark Leviste, hiwalay na ulit?
2. Max Collins at Pancho Magno
Bandang Mayo nang umugong ang tsikang hiwalay na ang dalawang Kapuso couple dahil sa hiwalay na posts nila kasama ang anak na si Skye noong 2021.
Nagmula mismo sa bibig ni Max na matagal na silang hiwalay ng dating mister na si Pancho Magno. Sa isang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” noong Mayo 29, inamin ni Max na noong kasagsagan pa ng pandemya sila naghiwalay ni Pancho, subalit hindi na niya idinetalye ang puno’t dulo nito. Maayos naman daw ang kanilang paghihiwalay at napagkasunduan nilang huwag nang palakihin pa ang isyu at huwag nang magsalita sa social media.
“Every separation is difficult, but it was amicable. We were not working and we needed to try spending time apart to see how that would work because we have a son to think about," ani Max, na nilinaw na may go signal ni Pancho ang pagpayag niyang makapanayam ni Boy tungkol dito.
Ginawa naman daw nila ang lahat upang maayos at masalba ang kanilang pagsasama.
3. Yassi Pressman at Jon Semira
Bandang Agosto, mula mismo sa negosyanteng si Jon Semira ang kumpirmasyong wala na sila ng girlfriend na si Yassi Pressman, na bibida sa upcoming series na “Black Rider” at bagong makatatambal ni Kapuso actor Ruru Madrid.
“After an amazing run, Yass and I have decided to part ways. We look to move on to our next phase in life in peace and with the support of our family and friends,” ani Jon sa kaniyang Instagram post.
Nilinaw ni Jon na walang katotohanan ang mga kumakalat na tsikang may involve na third party sa kanilang relasyon.
Sa isang panayam ng GMA News, kinumpirma naman ni Yassi ang tungkol sa kanilang breakup. Nilinaw rin niyang special friends lang sila ng mga politikong nauugnay sa kaniya matapos ang hiwalayan kay Jon, kagaya nina Cong. Sandro Marcos at Camarines Sur Governor Luigi Villafuerte.
4. Andrea Brillantes at Ricci Rivero
Kontrobersiyal ang naging hiwalayan ng dalawa dahil matapos ang nakakakilig na proposal ni Ricci kay Andrea na maging jowa nito, nabalot naman ng intriga ang kanilang paghihiwalay dahil sa akusasyon ng third party.
Nilinaw naman ng noo'y kaibigan ni Ricci subalit ngayon ay jowa nang si Los Banos, Laguna Councilor Leren Mae Bautista na hindi siya ang sumira sa relasyon ng dalawa.
Dahil sa isyu ay nadikdik ng taumbayan si Ricci lalo na sa naging pahayag ni Blythe na may ex-boyfriend siyang hindi nagpapa-laundry ng isang taon, bagay na idinikit naman ng mga netizen sa basketball player.
Sa kaniyang posts ay nilinaw naman ni Leren na wala siyang inagaw mula sa sinuman.
Sa ipinadalang mensahe naman ni Ricci kay DJ Jhaiho, sinabi niyang pumasok sa eksena/buhay niya si Leren na wala na sila ni Andrea, at hindi totoo ang mga inaakusa ng mga netizen sa kaniyang girlfriend.
5. Miles Ocampo at Elijah Canlas
Unang nabanggit ni showbiz insider Ogie Diaz sa kaniyang entertainment vlog na "Showbiz Update" ang tungkol sa tsikang hiwalayan ng dalawa. Sa isang panayam, inamin ni Elijah na matagal na silang hiwalay ni Miles, at kahit na ganoon, walang masamang tinapay sa kanilang dalawa at nananatili silang magkaibigan.
Ngunit ang itinuturong dahilan daw ng hiwalayan ay si Kapamilya star Andrea Brillantes, matapos daw malaman ni Miles ang "subuan ng spaghetti" ng dalawa sa set ng seryeng "Senior High" kung saan sila magkasama.
6. Cherry Pie Picache at Edu Manzano
Nagsimula umano ang relasyon ng dalawang batikang artista sa seryeng "Marry Me, Marry You" na pinagbidahan nina Paulo Avelino at noo'y kalilipat lamang mula sa GMA Network patungong ABS-CBN na si Janine Gutierrez.
Ngunit bago matapos ang 2023, sinabing naghiwalay na raw ang dalawa at pinili na lamang na mahalin ang isa't isa kahit wala silang commitment. Hindi naman malinaw ang puno't dulo ng hiwalayan ng dalawa.
7. Kim Chiu at Xian Lim
Tinuldukan ng dalawa ang tsikang matagal na silang hiwalay noong Disyembre 23, sa pamamagitan ng kanilang Instagram post.
Lumutang din ang isyung hiwalayan dahil napansin ng mga netizen na hindi na nila pino-post ang mga larawan nila together sa social media.
Nadagdagan pa ito dahil sa mga hirit ni Unkabogable Star Vice Ganda kay Kim sa tuwing magkasama sila sa hosting ng "It's Showtime."
Mapapansin sa facial expression at mga mata ni Kim na pinipigilan lang niyang maging emosyunal.
Pagkatapos, nag-delete si Xian ng vlogs niya sa YouTube channel na kasama niya si Kimmy rito.
Sa vlog naman ni Dianmond Star Maricel Soriano kung saan naging "yaya in a day" ito, sinabi ni Kim na ang love life niya ay naka-hang, kagaya ng isang telepono.
Nagtapos ang 12 taong relasyon ng KimXi na nagsimula noong 2011 sa seryeng "My Binondo Girl."
8. Kathryn Bernardo at Daniel Padilla
Pinaka-pinag-usapang hiwalayan ng taon ay sa pagitan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla bilang reel at real-life couple na mas sumikat sa tawag na "KathNiel."
Sa finale mediacon ng kanilang huling seryeng "2 Good 2 Be True" ay tila nakatunog na ang KathNiel fans at netizens na parang may problema raw sa pagitan ng dalawa, dahil sa kanilang mga sagot tungkol sa loyalty.
Nobyembre, usap-usapan ang pasabog ni Ogie Diaz na nakarating daw sa kaniyang source na palihim daw na nagkikita sina Daniel at Andrea Brillantes, na nagpalutang pa lalo sa hiwalayan ng dalawa.
Matapos ang halos araw-araw na espekulasyon ng mga netizen, binasag na ng dalawa ang kanilang katahimikan noong Nobyembre 30, kasabay sa paggunita sa araw ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio.
Trending ito sa X at halos lahat ay naapektuhan nito, maging ang ilang mga politiko.
Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang pahayag ang nasasangkot sa isyu na si Andrea Brillantes.
Samantala, kung ang mga nasa itaas ay kumpirmado't naglabas pa ng personal statement tungkol dito, narito naman ang napababalitang couple na umano'y break na raw, subalit hanggang ngayon ay wala pang kumpirmasyon mula sa kanila:
1. Paulo Avelino at Janine Gutierrez
Nagsimula raw ang romance sa pagitan ng dalawa dahil sa nabanggit na pinagbidahang serye. Pero ang nakakaloka, hindi pa man umaamin ang dalawa sa tunay nilang score, heto't napabalita ring naghiwalay na sila.
Sa isang panayam, inamin ni Janine na special si Paulo para sa kaniya.
2. Richard Gutierrez at Sarah Lahbati
Unang naghinala ang mga netizen na hindi na okay ang dalawa nang mapansin nilang hindi na nagpo-post ang dalawa ng litrato nila ng isa't isa kasama ang mga anak; at kung mag-post man, ang kasa-kasama nila ay ang dalawang anak na sina Zion at Kai.
Batay sa mga pahayag naman ng ina at talent manager ni Richard na si Annabelle Rama, bagama't hindi niya direktang sinabing hiwalay na ang dalawa, inamin niyang matagal nang nakapisan at lumipat ang anak sa kaniyang bahay, at tila nagpahaging pa siya sa pagiging "gastador" ng manugang.
Usap-usapan din ang naging mga "parinig" ng mga magulang ni Sarah, na ayon sa mga netizen, ay parinig daw kay Bisaya.
Lumabas pa sa mga ulat na magkakasuhan pa raw sana ang dalawa subalit nakiusap umano ang ate ni Chard na si Ruffa Gutierrez na alang-alang sa mga anak nila, huwag na nitong ituloy ang kaso.
Ang huling update ni Cristy Fermin ay nagtungo raw si Annabelle sa tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA at may ipinasang listahan sa mga awtoridad, tungkol sa mga personalidad na kailangan nilang tiktikan.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang kumpirmasyon mula sa dalawa kung totoo bang mauuwi na sa hiwalayan at demandahan ang kanilang relasyon.
3. Mavy Legaspi at Kyline Alcantara
Hindi pa kumpirmado ang tsikang hiwalay na ang dalawa at hindi rin malinaw ang puno't dulo, subalit pinag-usapan ng mga netizen ang tila parinigan daw nina Kyline at madir ni Mavy na si Carmina Villaroel sa social media, patungkol sa "peace" at pagiging "quiet."
May isang video pang kumalat sa social media kung saan makikitang tila nag-iwasan ang dalawa nang pareho silang maimbitahang mag-perform sa isang event.
4. Jericho Rosales at Kim Jones
Shookt ang mga netizen sa pasabog ni Ogie sa kaniyang vlog na nakarating daw sa kaniyang kaalamang matagal na raw hiwalay ang mag-asawa. Sa kabila raw nito ay nananatili raw silang magkaibigan at in good terms, bagama't tahimik daw nilang nilalakad ang kanilang annulment. Habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang kumpirmasyon ang mag-asawa tungkol sa intriga.
Sabi nga ni Kathryn, "No looking back, just moving forward."