Ipinatutupad na ng Quezon City Police District (QCPD) ang batas na nagbabawal sa paggamit ng mga paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Ito ang babala ni QCPD chief, Brig. Gen. Redrico Maranan kasabay na rin ng panawagan sa publiko na huwag nang gumamit ng paputok para na rin sa kanilang kaligtasan.

Kabilang aniya sa ipinagbabawal na paputok ang Watusi; Piccolo; Pop pop; Five Star; Pla-Pla; Lolo Thunder; Giant Bawang; Giant Whistle Bomb; Atomic Bomb (Super Lolo); Atomic Triangle (Goodbye Bading); Large Size Judas Belt (Goodbye Philippines); Goodbye De Lima (Bin Laden); Hello Columbia (Mother Rockets); Goodbye Napoles (Coke-In-Can); Super Yolanda (Pillbox); Mother Rockets (Boga); at Kwiton (Kabasi).

Duterte siblings, nag-bonding: 'Always something to be grateful for'

Banta ni Maranan, lahat ng mga lalabag ay may katapat na kaparusahan sa ilalim ng batas at lokal na ordinansa.

Kaugnay nito, nagtalaga na rin ang QCPD ng mga lugar kung saan papayagan ang mga paputok o pyrotechnic device.

Nasa 1,273 na pinagbabawal na paputok ang nasamsam na ng pulisya sa 52 operasyon mula Disyembre 26-28.