Muling nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na walang pinipili ang pinsala ng paputok dahil bata man o matanda, lalaki o babae, aktibo o pasibo sa pakikilahok ay maaaring mabiktima nito.

Ang paalala ay ginawa ng DOH matapos na mabiktima ng paputok ang isang 72-anyos na lolo mula sa National Capital Region (NCR) at magtamo ng mga paso at gasgas dahil sa Kwitis (skyrocket) na sinindihan ng ibang tao sa kalye.

VP Sara may sagot sa umano'y impeachment niya: 'If I get impeached, that's it!'

Batay sa FWRI Report #9 ng DOH, mula 6:00 AM ng Disyembre 29 hanggang 5:59 AM ng Disyembre 30, ay makapagtala pa sila ng 11 ng bagong kaso ng nabiktima ng paputok.

Pinakabatang nabiktima nito ay 6-taong gulang habang 72 taong gulang naman ang pinakamatanda.

Anang DOH, karamihan sa mga bagong biktima ay lalaki o nasa siyam na kaso o 82%.

Dagdag pa ng DOH, ang lahat ng mga bagong kaso na ito ay nangyari sa bahay at sa mga lansangan.

"Anim o 55% ang dahil sa ilegal na paputok.  Ngayon, mas marami ang nagkaroon ng PASSIVE na paglahok (6, 55%). Kasama sa mga bagong kaso ang nabanggit na pinakamatandang kaso ngayong taon," ulat pa ng ahensiya.

Kasama rin anila sa listahan ang isang bagong kaso ng amputation o naputulan ng bahagi ng katawan, na isang 19-anyos na lalaki mula sa Cagayan Valley na aktibong gumamit ng ilegal na Pla-pla, na nagresulta sa warak na kaliwang kamay.

Samantala, wala namang karagdagang ulat ng paglunok ng anumang uri ng paputok hanggang ngayon.

Anang DOH, dahil sa mga bagong kaso, nakapagtala na sila ng 107 fireworks-related injuries (FWRI) sa kabuuan.

Nabatid na halos apat sa bawat sampung kaso ay nagmumula sa NCR na may 41 kaso o 38%.

Kasunod naman ng NCR sa bilang ng mga kaso ay Central Luzon (12, 11%), Ilocos Region (12, 11%), Soccsksargen (7, 7%), Cagayan Valley (5, 5%), Bicol Region (5, 5%), Calabarzon (5, 5%), at Kanlurang Visayas (5, 5%).

"Siyamnapu't pitong porsyento (97%) ang nangyari sa bahay at sa mga lansangan, karamihan ay mga lalaking may aktibong pakikilahok," anang DOH.

Samantala, ang mga tukoy na paputok na nagdudulot ng hindi bababa sa pito sa bawat sampung (72%) FWRI ay Boga, 5-Star, Piccolo, at Pla-Pla, na pawang ilegal na paputok, gayundin ng Kwitis  Luces, at Whistle Bomb, na pawang legal naman.

Sinabi ng DOH na ang mga ilegal na paputok ang dapat sisihin sa humigit-kumulang anim sa bawat sampung kaso o 63 kaso o 59% ng kabuuang kaso.

Paalala naman ng DOH, "Ang takbo ng datos ay malinaw: ang mga pinsalang nauugnay sa paputok ay nangyayari sa bahay o kalapit nito, kadalasang kinasasangkutan ng mga batang lalaki, ngunit nakakaapekto rin sa mga passive na nanonood lamang sa anumang edad o kasarian."

Payo pa ng ahensiya, "Pinakamahusay pa rin ang manood ng mga community fireworks display mula sa isang ligtas na distansya. Mahalaga ang tungkulin ng mga magulang at pinuno ng komunidad."