Mahigpit ang paalala ni Department of Health (DOH) – Ilocos Regional Director Paula Paz M. Sydiongco sa mga motorista na umiwas sa pag-inom ng alak kung magmamaneho upang makaiwas sa aksidente.
Ang paalala ay ginawa ni Sydiongco bunsod nang patuloy na pagtaas sa bilang ng mga road accidents sa rehiyon, partikular na kapag holiday season.
Batay sa DOH Health Emergency Alert Reporting System (HEARS), mayroon nang kabuuang 236 vehicular accidents ang naitala mula Enero 1 hanggang Nobyembre 7, 2023.
Ang naturang bilang ay nasa 11% na mas mataas kumpara sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon, na may 213 kaso.
Mayroon din umanong naitalang 43 pagkamatay sa rehiyon, kung saan ang La Union ang may pinakamataas na insidente na nasa 18; sumunod ang Ilocos Norte na may 13; Ilocos Sur na may 10 at Pangasinan na may 2.
“Every day we are witness to fatal and disabling road accidents and it is extremely increasing daily. And most often are due to reckless and speedy driving, not obeying or following traffic rules, poor maintenance of the vehicles, drunk and driving, driver fatigue. Kasama na dito ang mga illegally park vehicles na nakaharang at mga nagbibilad ng palay sa mga daanan na nagiging dahilan ng disgrasya kaya kailangang mag-ingat bago mag-maneho," ani Sydiongco.
Aniya pa, dahil sa mahabang bakasyon, karamihan sa mga tao ay nagsasaya at marami ang dumadalo ng mga kasiyahan, kung saan hindi nila maiwasang uminom ng alak.
Payo naman ni Sydiongco, “If you tend to drink, don’t drive anymore. It is not your own life that you’re saving but also those of others like pedestrians and other road users.”
“Kaya laging mag-iingat sa pagmamaneho lalo na kung kayo ay gumagamit ng motorsiklo na syang pumapangalawang sanhi ng disgrasya sa daan,” aniya pa.
Nabatid na noong Nobyembre, pinangunahan ng DOH-Ilocos region ang komemorasyon ng World Day of Remembrance (𝐖𝐃𝐨𝐑) for Road Traffic Victim sa La Union Convention Center (LUCC), Sevilla, San Fernando City, sa La Union.
Ani Sydiongco, layunin ng selebrasyon na lumikha ng isang dedicated group na committed sa pagliligtas ng buhay, sa pamamagitan nang pag-iwas sa mga aksidente at pagbawas sa mga pagkasugat sa lansangan.