Tila kasimbilis ng pag-ihip ng hangin ang takbo ng mga kamay ng orasan. Ilang sandali na lamang ay sasalubungin na muli natin ang bagong taon.
Ngunit kasabay ng pagdaan ng hangin at pagkaripas ng takbo ng oras, tila napakabilis din ng buhay. Parang kailan lang, napapanood natin sila sa telebisyon o pelikula, o ‘di kaya nama’y nababasa ang kanilang mga akda. Pero ngayon, isa na lamang din silang alaala.
Sa pagsasara ng 2023, halina’t ating alalahanin at bigyang-pugay ang ilang mga sikat na personalidad na namaalam sa taong ito.
Lualhati Bautista (December 2, 1945 – February 12, 2023)
Si Lualhati Bautista ang itinuturing na isa sa pinakamahuhusay at popular na manunulat ng bansa. Ilan sa mga tumatak na akdang naisulat niya ay ang mga nobelang tulad ng ‘Dekada ’70;’ ‘Bata, Bata, Pa’no Ka Ginawa?;’ at‘ ‘GAPÔ.’
Pumanaw siya noong Pebrero 12 sa edad na 77 dahil umano sa cancer.
Andrei Sison (October 9, 2005 - March 24, 2023)
Si Andrei Sison ay isang teen artist na naging bahagi ng ilang mga palabas at pelikula, tulad ng “The Dead Kids.” Nakilala rin siya sa kaniyang TikTok dance covers at livestreams. Si Andrei ay apo ng singer at aktor na si Marco Sison.
Pumanaw siya sa edad na 17 dahil sa isang car accident noong Marso 24.
Moonbin (January 26, 1998 – April 19, 2023)
Si Moonbin ay isang K-pop idol at miyembro ng boy band “Astro” na nag-debut noong 2016. Kilala ang banda boy band sa kanilang mga kanta tulad ng “Hide & Seek,” “All Night,” “Blue Flame” “Always You,” at “Candy Sugar Pop.”
Pumanaw siya sa edad na 25 noong Abril 19 matapos umano siyang makitang wala nang buhay sa kaniyang bahay sa Gangnam, Seoul, Korea. Suicide ang pinagsuspetyahang dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Tina Turner (November 26, 1939 – May 25, 2023)
Si Tina Turner ang tinaguriang “Queen of Rock ‘n’ Roll.” Siya ay isang legendary American singer-songwriter na nagpasikat ng mga kantang tulad ng “Proud Mary” at “What’s Love Got to Do with It.”
Pumanaw siya noong Mayo 25 sa edad na 83 pagkatapos umano ng mahabang pagkakasakit sa kaniyang tahanan sa Küsnacht sa Switzerland.
John Regala (September 12, 1967 – June 3, 2023)
Si John Regala ay isang beteranong aktor na naging bahagi na ng iba’t ibang palabas sa telebisyon, tulad na lamang ng “FPJ’s Ang Probinsyano.”
Pumanaw siya sa edad na 58 noong Hunyo 3 matapos umano itong mag-cardiac arrest dulot ng liver at kidney complications.
Mario Dumaual (July 31, 1958 – July 5, 2023)
Si Mario Dumaual ay isang beteranong entertainment journalist sa TV Patrol ng ABS-CBN. Bago ito, naging columnist siya sa alternative media outlet na Ang Pahayagang Malaya.
Pumanaw siya sa edad na 64 noong Hulyo 5, isang buwan matapos umano siyang atakihin sa puso na naglagay sa kaniya sa kritikal na pangangalaga.
Ricky Rivero (May 7, 1972 – July 16, 2023)
Si Ricky Rivero ay kilala bilang isang aktor at naging direktor din sa telebisyon. Nagsimula ang kaniyang showbiz career bilang isang child actor, kung saan bumidad siya sa palabas na Ninja Kids at Samurai Sword. Naging mainstay host din siya sa “That’s Entertainment” mula 1986 hanggang 1996.
Pumanaw siya noong Hulyo 16 sa edad na 51. Hindi naman idinetalye ng kaniyang mga mahal sa buhay ang dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Tony Bennett (August 3, 1926 – July 21, 2023)
Si Tony Bennett ay isang classic American crooner na nakilala sa kaniyang signature songs tulad na lamang ng “I Left My Heart in San Francisco,” “My Foolish Heart,” “Stranger in Paradise,” at “Rags to Riches.”
Pumanaw siya noong Hulyo 21 sa edad na 96. Hindi naman naisapubliko ang dahilan ng kaniyang pagkamatay.
JM Canlas (March 4, 2006 – August 3, 2023)
Si JM Canlas ay isang singer at aktor na lumabas sa iba’t ibang pelikula tulad ng 2017 independent film na "Kiko Boksingero" at 2020 web series na "Unconditional.” Kapatid siya ng aktor na si Elijah Canlas.
Pumanaw siya noong Agosto 3 sa edad na 17, ayon sa kapatid niyang si Jerom Canlas.
Bagama’t hindi idinetalye ni Jerom ang dahilan ng pagkamatay ni JM, sinabi niyang naharap ito sa mental health issues. Napabalita rin kamakailan na idinonate ang kabaong ni JM sa 17-anyos na binatilyong si Jerhode Jemboy Baltazar na napatay ng mga pulis matapos mapagkamalang suspek sa Navotas City.
Robert Arevalo (May 6, 1938 – August 10, 2023)
Si Robert Arevalo ay isang beteranong aktor na nakasama sa iba’t ibang mga pelikula at teleserye sa telebisyon, kabilang na ang Kapamilya hit seryeng “FPJ’s Ang Probinsyano.”
Pumanaw siya noong Agosto 10 sa edad 85. Hindi na idinetalye ng kaniyang pamilya ang dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Angie Ferro (August 4, 1937 – August 17, 2023)
Si Angie Ferro ay isang batikang aktres na nakilala sa iba’t ibang pelikula at serye, tulad ng kaniyang pagbida sa pelikulang “Lola Igna.” Ang huling naging pelikula niya ay ang horror film na “Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan,” kung saan apo ng karakter niya rito ang karakter ni Joshua Garcia.
Pumanaw siya noong Agosto 17 sa edad na 86. Hindi na idinetalye ng kaniyang pamilya ang dahilan ng kaniyang pagkamatay, ngunit bago ito ay dumanas umano ang aktres ng multiple strokes.
Mike Enriquez (September 29, 1951 - August 29, 2023)
Si Mike Enriquez ay isang multi-awarded broadcast journalist na nagsilbing anchor ng “24 Oras” at host ng long-running public affairs program na “Imbestigador.” Naging anchor din siya ng “Super Balita sa Umaga” at “Saksi sa Dobol B” ng AM station Super Radyo DZBB 594.
Pumanaw siya noong Agosto 29 sa edad na 71 habang sumasailalim sa dialysis.
Michael Gambon (October 19, 1940 - Septermber 28, 2023)
Si Michael Gambon ay isang British actor na nakilala bilang “Albus Dumbledore” sa anim na Harry Potter films. Bukod dito, kilala rin siya sa Britanya dahil sa kaniyang pagganap bilang isang French detective sa ITV series na “Maigret,” at sa kaniyang 1986 role na Philip Marlow sa “The Singing Detective.”
Pumanaw siya sa edad na 82 noong Setyembre 28 dahil umano sa pneumonia.
Matthew Perry (August 19, 1969 - October 29, 2023)
Si Matthew Perry ay isang Hollywood actor na kilala sa kaniyang ginampanang karakter na Chandler Bing sa hit TV series na “Friends.” Bumida rin siya sa mga palabas, tulad ng 17 Again, Fools Rush In, The Whole Nine Yards, Serving Sara, at Studio 60 on the Sunset Strip.
Pumanaw siya noong Oktubre 29 (PST) sa edad na 54 matapos siyang matagpuan sa hot tub ng isang Los Angeles-area home. Kamakailan lamang naman ay isiniwalat ng Los Angeles County Medical Examiner's office na namatay ang aktor dahil umano sa "acute effects ng ketamine."
Joey Paras (February 7, 1978 - October 29, 2023)
Si Joey “Bekikang” Paras ay isang actor-comedian na mas nakilala sa kaniyang Kapuso shows kagaya ng Sunday PinaSaya, Mulawin vs Ravena, The Last Prince, Princess in the Palace, at iba pa.
Pumanaw siya sa edad na 45 noong Oktubre 29. Hindi nabanggit ang dahilan ng pagkamatay ni Paras pero nagkaroon ito ng problema sa puso noong 2018.
Jun Urbano (June 8, 1939 – December 2, 2023)
Si Jun Urbano ay isang beteranong aktor na mas nakilala bilang “Mr. Shooli, isang Mongolian-inspired character na unang naging popular noong 80s sa political commentary show na Mongolian Barbecue. Isa rin siyang komedyante, direktor, advertising creative, at satirist.
Pumanaw siya noong Disyembre 2 sa edad na 84 dahil umano sa “ruptured abdominal aortic aneurysm.”
Andre Braugher (July 1, 1962 — December 11, 2023)
Si Andre Braugher ay isang American actor na mas kilala sa kaniyang ginanapang karakter na Captain Raymond Holt sa award-winning series "Brooklyn Nine-Nine." Bukod dito, gumanap din siya sa iba pang palabas tulad ng police-related series na "Homicide: Life on Street," dahilan kaya’t natanggap niya ang kaniyang unang pagkapanalo sa Emmy noong 1998.
Pumanaw siya noong Disyembre 11 sa edad na 61 dahil umano sa sakit.
Ronaldo Valdez (November 27, 1947 – December 17, 2023)
Si Ronaldo Valdez ay isang beteranong aktor na naging parte ng iba’t ibang pelikula at TV series tulad ng pelikulang “Seven Sundays” noong 2017, at seryeng “Los Bastardos” noong 2018. Nakilala rin siya bilang unang Filipino Colonel ng fastfood chain na “KFC.” Huli siyang napanood sa telebisyon bilang “Lolo Sir” sa seryeng “2 Good 2 be True” kasama sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla noong 2022.
Pumanaw siya sa edad na 76 noong Disyembre 17 matapos matapuan sa kaniyang kwarto na may tama ng baril sa sintido.
Samboy Lim (April 1, 1962 – December 23, 2023)
Si Avelino “Samboy” Lim, Jr. ay isang Philippine Basketball Association (PBA) legend na nakilala bilang “The Skywalker.” Kabilang siya sa Greatest Players ng PBA.
Pumanaw siya noong Disyembre 23 sa edad na 61 habang nasa pangangalaga umano ng Medical City.
Lee Sun-kyun (March 2, 1975 – December 27, 2023)
Si Lee Sun-kyun ay isang South Korean actor na mas nakilala sa kaniyang karakter na “Park Dong-ik” sa Oscar winning film na “Parasite.”
Pumanaw siya sa edad na 48 noong Disyembre 27 dahil umano sa suicide.
Bagama’t hindi na natin sila kasama sa pagsalubong ng taong 2024, mananatili ang lahat ng magagandang bagay na inihatid nila sa ating mga buhay bilang kanilang mga tagatangkilik at tagahanga.