Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go na suportahan ang mga local film partikular tuwing panahon Metro Manila Film Festival (MMFF).
"Ang MMFF ay hindi lamang isang tradisyon tuwing panahong ito, kundi isang mahalagang bahagi ng ating industriya ng pelikula na nagbibigay daan sa pagpapakita ng husay, talento, at malikhaing galing ng mga Pilipino," aniya nitong Miyerkules, Disyembre 27.
Binanggit din ni Go ang pinagdaanan ng film industry noong panahon ng pandemya.
"Ang pandemya ay nagdulot ng malaking hamon sa ating industriya. Ngunit sa ating pagtangkilik, maipapakita natin ang ating kakayahan na muling bumangon at lumago," anang senador.
Samantala, isinusulong din ni Go ang pagpasa ng Senate Bill No. 1183 o ang "Media and Entertainment Workers Welfare Act,” na naglalayong magbigay ng proteksyon, seguridad, at mga insentibo para sa mga manggagawa sa media sa bansa, sa lahat ng platform.
Nabanggit din ng senador ang kaniyang suporta sa "Eddie Garcia bill,” na siya ring co-author nito.
"Kamakailan naman ay ini-sponsor sa plenaryo ng Senado ang ‘Eddie Garcia bill’ bilang pagkilala sa yumaong aktor at bilang pagsuporta sa mga movie at television industry workers. Bilang co-author nito, suportado natin ang hangarin ng panukala," aniya.
"Ngunit mahalaga rin lang na mapakinggan ang boses ng mga producers sa industriya pagdating sa magiging final version ng panukalang batas. Importante na bumalik ang sigla ng industriya habang protektado naman ang mga manggagawa nito.”