Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Biyernes, Disyembre 29, dahil sa northeast monsoon o amihan at easterlies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, makaranas ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan ang Batanes at Babuyan Islands bunsod ng amihan.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon umano ng malalakas na ulan.
Malaki naman ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga Visayas, Mindanao, MIMAROPA, at Bicol Region dulot ng easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, at ng localized thunderstorms.
Posible rin ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa PAGASA.
Samantala, malaki ang tsansang magkaroon ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon dahil sa amihan.
Wala namang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.
Sa ngayon ay wala raw binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Kaugnay na Balita: