Mula pag-aalburoto ng bulkan, paghagupit ng mga bagyo, hanggang sa pagyanig ng mga lindol; narito ang ilang mga sakunang nanalanta sa Pilipinas sa taong 2023.

BULKAN:

Pag-aalburoto ng Bulkang Mayon

MB file photo

Probinsya

Asawa ng mastermind sa pagpatay sa mag-asawang online seller, nagpadala raw ng lechon bago ang krimen?

Noong Hunyo 5, itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang status ng Bulkan Mayon sa Alert Level 2 dahil umano sa pagtaas ng rockfall events mula sa tuktok ng bulkan.

Ngunit nagpatuloy ang pag-aalburoto ng Mayon, kaya’t wala pang isang linggo, noong Hunyo 8, ay itinaas na ito ng ahenya sa Alert Level 3, nangangahulugang tumaas ang tsansa para sa isang mapanganib na pagsabog.

Dahil dito, agad na ipinag-utos ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) sa mga pamahalaang munisipyo at lungsod na ilikas ang mga residente sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) ng Bulkang Mayon.

Noon lamang Disyembre 8 nang muling ibaba ng Phivolcs ang status ng Mayon sa Alert Level 2 matapos daw nila itong makitaan ng “general decline in unrest” mula noong buwan ng Nobyembre.

Volcanic Smog sa Bulkang Taal

MB file photo

Noong Setyembre 15 nang magbabala ang Phivolcs sa publiko hinggil sa naitala nitong volcanic smog o vog sa Taal Lake, kahit na nananatili sa Alert Level 1 ang bulkan.

Naghanda naman ang mga ospital sa CALABARZON upang tumugon sa mga emergency situation kasunod na rin ng patuloy pagbuga ng smog ng Taal. Ito ay matapos isailalim ng Department of Health (DOH) sa code white alert status ang mga pagamutan sa rehiyon.

Makalipas ang isang linggo, Setyembre 22, ay binalot ng smog ang ilang bahagi ng Metro Manila at mga karatig lugar, dahilan ng pagkansela ng mga klase sa ilang mga paaralan sa bansa na apektado nito.

Samantala, nilinaw rin ng Phivolcs sa publiko noong araw na iyon na walang kaugnayan ang smog na bumalot sa Metro Manila at mga karatig lugar sa naturang aktibidad ng Taal, dahil patungo raw ang volcanic smog sa kanlurang bahagi ng bulkan.

SUPER TYPHOON:

Pananalasa ng Super Typhoon Betty

MB file photo

Noong Mayo 27 nang ianunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nakapasok na sa Philippine area of responsibility (PAR) ang Super Typhoon na may international name na “Mawar" at tinawag sa local name nitong “Betty.”

Ang bagyong Betty ang unang super typhoon sa loob ng PAR sa taong 2023.

Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), isa ang nasawi habang mahigit 77,000 indibidwal ang naapektuhan dahil sa pananalasa ng naturang bagyo. Tinatayang ₱200,000 naman daw ang napinsala nito sa agrikultura at imprastraktura ng bansa.

Lumabas ng PAR ang bagyong Betty noong Hunyo 1.

Bagsik ng Super Typhoon Egay

MB file photo

Noong Hulyo 21 nang maging ganap na bagyong Egay ang binabantayang low pressure area (LPA) sa loob ng PAR. Pagsapit ng Hulyo 25, itinaas na ito ng PAGASA bilang isang super typhoon.

Dahil sa lakas ng bagyo, ilang mga lugar sa bansa ang binaha, habang nasa 1,675 mga pasahero rin ang naiulat na na-stranded dahil sa pananalasa ng bagyo. Nasa 151 lungsod at bayan sa bansa rin ang isinailalim sa state of calamity.

Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), hindi bababa sa 30 indibidwal ang nasawi dahil sa malakas na bagyo. 

Mahigit tatlong milyon naman umano ang mga indibidwal sa bansa ang naapektuhan, habang mahigit ₱5.8 bilyon ang halaga ng napinsala sa agrikultura at imprastraktura.

Nakalabas ng PAR ang bagyong Egay noong Hulyo 27.

Hagupit ng Super Typhoon Goring

Courtesy: Carsola Bielle

Noong Agosto 24 nang mabuo bilang isang bagyo ang isang low pressure area (LPA) na binabantayan ng PAGASA sa loob ng PAR at pinangalanang “Goring.”

Unti-unti itong lumakas, hanggang sa pagdating ng Agosto 27 ay naging isa itong super typhoon.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), halos ₱900 milyon ang napinsala ng bagyo sa sektor ng agrikultura. Inihayag naman ng NDRRMC na mahigit ₱40 milyon ang nasira sa imprastraktura. Isang bahay rin sa Ilocos Sur ang nakuhanan sa video na gumuho dahil umano sa malakas na mga pag-ulan dulot ng naturang bagyo.

Nakalabas ng PAR ang bagyong Goring noong Agosto 30.

LINDOL:

Magnitude 6.2 na lindol sa Catanduanes

Courtesy: Phivolcs-DOST/FB

Noong Abril 4, dakong 8:54 ng gabi, nang yanigin ng magnitude 6.2 na lindol, unang itinaas sa magnitude 6.6, ang katubigang sakop ng Gigmoto, Catanduanes.

Dahil dito, naglabas ng tsunami warning ang Phivolcs at inabisuhan ang publiko na lumikas at huwag lalapit sa mga baybay-dagat sa Catanduanes, Northern Samar, at Eastern Samar.

Inihayag naman ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) na walang naiulat na nasawi o nasaktan dahil sa lindol, at wala rin umanong namataang malaking pinsala sa mga gusali.

Magnitude 6.4 na lindol sa Cagayan

Courtesy: Phivolcs-DOST/FB

Noong Setyembre 12, dakong 7:03 ng gabi, yumanig ang isang magnitude 6.4 na lindol sa Dalupiri Island sa Calayan, Cagayan.

Inihayag naman ng Phivolcs na walang tsunami warning kaugnay ng lindol.

Samantala, bagama’t wala ring naiulat na nasawi at pinsala pagdating sa imprastraktura, lima ang naitala ng OCD na nagtamo ng injury dahil sa naturang pagyanig.

Magnitude 6.8 na lindol sa Davao Occidental

Courtesy: Shaira Ann Sandigan-Rodrigo

Noong Nobyembre 17, dakong 4:14 ng hapon, nang yanigin ng magnitude 6.8 na lindol, na unang itinaas ng Phivolcs sa magnitude 7.2, ang Sarangani, Davao Occidental.

Dahil sa lakas ng pagyanig, umabot umano sa 11 ang nasawi habang 730 indibidwal ang naitalang nagkasakit o nasugatan.

Ilang mga gusali, kabahayan, at eskuwelahan din ang naapektuhan ng naturang pagyanig, kung saan ilang mga mall, kabilang na ang SM City General Santos, ang pansamantalang isinara nang mga oras na iyon para inspeksiyunin.

Magnitude 7.4 na lindol sa Surigao del Sur

MB file photo

Noong Disyembre 2, dakong 10:37 ng gabi, yumanig ang isang magnitude 7.4 na lindol, na unang itinaas sa magnitude 6.9, sa karagatang sakop ng Hinatuan, Surigao del Sur. Agad na nag-isyu ang Phivolcs ng tsunami warning sa Surigao del Sur at Davao Oriental, dahilan ng paglikas ng mga residenteng malapit sa baybayin ng mga naturang lugar.

Makalipas lamang ang dalawang araw, Disyembre 4 ng 3:49 ng madaling araw, isang magnitude 6.8 na lindol ang yumanig sa Cagwait, Surigao del Sur.

Dahil sa nasabing dalawang major earthquakes, tatlo ang naitala ng NDRRMC na nasawi habang humigit-kumulang 528,200 indibidwal ang naapektuhan.

Mula nang yanigin ang Surigao del Sur ng magnitude 7.4 na lindol, halos sunod-sunod na rin ang mga aftershock at pagyanig na naitala sa probinsya hanggang sa kasalukuyan.