Nagtataka ang mga netizen lalo na ang moviegoers na nakapanood ng "Rewind" ng Star Cinema kung bakit ni hindi man lamang ito nakakuha ng kahit isang award, at hindi rin pasok sa apat na kinilalang "Best Picture."
Ang Rewind ay comeback movie nina Kapuso Primetime King and Queen Dingdong Dantes at Marian Rivera matapos ang 13 taong hindi paggawa at pagsasama sa isang pelikula, at ang nag-produce pa ay movie outlet ng ABS-CBN na business competitor ng kanilang home network na GMA (pero wala na raw network war patunay ang kanilang collaboration projects).
Ang itinanghal na 4th Best Picture ay "When I Met you in Tokyo" nina Vilma Santos at Christopher De Leon, ang 3rd naman ay "Mallari" ni Piolo Pascual, ang 2nd ay GomBurZa nina Dante Rivero, Enchong Dee at Cedrick Juan (na siyang itinanghal na Best Actor), at ang Best Picture ay Firefly nina Alessandra De Rossi at Euwenn Mikaell (Best Child Performer).
Sinasabing pukpukan ang labanan sa lahat ng entries dahil halos lahat ng mga pelikulang kalahok ay quality talaga.
Nagtataka naman ang mga tagahanga ng DongYan at Star Cinema kung bakit tila inisnab daw ang pelikula gayong batay sa reviews at reactions ng mga nakapanood ay talagang marami ang naiyak at nagandahan dito, bagama't sinasabing cliche o gasgas na ang plot nito, at may mga nagsasabi pa ngang nahahawig sa foreign movie na "If Only."
Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens sa iba't ibang social media platforms:
"Bakit wala man lang award ni isa for Rewind?"
"Inisnab ba ang Rewind? I thought nga si Dingdong ang Best Actor at si Marian ang Best Actress."
"Anyare sa Rewind? Bakit ni isang parangal wala?"
"Di bale, panalo naman sa takilya ang Rewind, mas mahalaga 'yon kaysa sa award na 'yan."
"Importante box-office! Mas nagmamatter 'yon. Congrats DongYan and Star Cinema!"
MAKI-BALITA: Listahan ng mga nagwagi sa 2023 MMFF Gabi ng Parangal
Matatandaang nagtalo-talo pa ang mga netizen kung DongYan o Star Cinema ba ang bumitbit sa pelikula.
MAKI-BALITA: Netizens nagtatalo: Bumuhat sa ‘Rewind,’ DongYan o Star Cinema?