Naghain ng panukalang-batas si North Cotabato 3rd district Representative Ma. Alana Samantha Taliño Santos na magpaparusa sa mga taong nakikipagtalik sa mga bangkay o tinatawag na "necrophilia."

Ang nabanggit na panukalang-batas ay House Bill (HB) No. 9598. Ayon sa mambabatas, wala pang ganitong batas sa Pilipinas kaya ito ang kaniyang isusulong.

Mababasa sa nabanggit na House Bill, "This bill aims to impose criminal and civil liabilities on offenders guilty of desecrating cadavers."

"The penalty of prision mayor shall be imposed upon any person who shall commit the crime of desecration of human cadaver as defined in this Act," dagdag pa.

DepEd, nagbigay ng 4 na Filipino values na dapat matutuhan ng mga mag-aaral

Sa ilalim ng panukalang-batas, ipagbabawal ang alinmang sekswal na akto at pang-aalipusta sa mga labi ng patay, kasama na ngunit hindi limitado sa pagputol ng bahagi, pangangalikot, pagpapalansak, pang-aapoy, o anumang gawaing isinagawa upang gawing pagkain, itapon, o ikalat ang bangkay.

Ipinagbabawal din ang basta-bastang pagtatapon ng mga bangkay kasama na ang mga namatay na sanggol at fetus, na may layuning talikuran ang bangkay; pagsasagawa ng mutilasyon sa bangkay, kasama na ang mga sanggol at fetus, maliban sa embalming at medikal na layunin; pagsira ng mga libingan at iba pang pribado o pampublikong lugar ng libing; at pagkuha mula sa hukay ng personal na ari-arian na inilibing kasama ng patay, kabilang ngunit hindi limitado sa kabaong, kasuotan, at alahas.

Sa isang panayam, sinabi ni Santos na ang dignidad ng isang tao ay hindi nahihinto sa kaniyang kamatayan.

"The right to human dignity extends to the right of dignity of dead bodies. There have been instances in the past, some of which were highlighted in news reports, of dead bodies being dumped in inappropriate places,” aniya.

“In keeping with our mandate to protect and promote human dignity, there is an imperative need to supplement the dearth in laws by penalizing the crime of cadaver desecration as a separate crime,” dagdag pa niya.