Viral sa social media ang Facebook post ng isang nagngangalang "Daniela Narito Par" matapos niyang bigyang-pugay ang kaniyang amang jeepney driver.

Ginawa niya ito kaugnay sa pagtutol niya sa nakaambang "jeepney phaseout" para sa planong modernization ng pamahalaan sa mga pampasaherong jeepney upang mas mapabuti pa raw ang sistema ng transportasyon sa bansa.

Bilang isang commuter at anak ng isang namamasada, hindi raw pabor si Daniela sa jeepney at PUV phaseout. Sinimulan niya ang post sa pamamagitan ng pagsasalaysay sa kaniyang kabataan.

"Dati madalas pag tapos na klase ko nung elementary inaabangan ko na si papa dun sa kanto ng pacific mall kasi babackride ako. Nag babato bato pick pa kaming mag kakapatid kung sino babackride," ani Daniela.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

"Kung sino manalo kasama na ni papa hanggang sa gumarahe siya. Tamang conductor ang peg sa gabi sa byahe ni papa kasi pag pagabi madami ang pasahero kasi uwian."

"Namulat ako na jeepney driver na talaga si papa."

"Tapos pag gagarahe na kami lagi nya kinakausap ung jeep nya na "thank you sa araw na to, bukas ulit".

Binigyan pa nga nya ng pangalan ung jeep nya si 'limo.'"

Kuwento pa ng anak, marami na raw isinakripisyo ang kaniyang tatay kay "Limo." Pero higit sa lahat, marami na ring naisakay, natulungan, at napagtapos na pag-aaral ang pagiging driver ng ama.

"Madami na din sakripisyo si papa kay limo. Minsan inaabot siya ng gabi maayos lang transmission ni limo hindi yan kakain hangga't hindi nya na tatapos."

"Marami na naisakay at na ihatid si limo at si papa."

"Madami na din nalibre ng pamasahe. 😂"

"Napa-graduate at naging Engineer na din ako sa tulong ni limo at ni papa."

Kaya sey niya, "Proud ako na anak ako ng isang jeepney driver ✨💖."

"Madaming katulad ng tatay ko ang mawawalan ng kabuhayan at kabataan na aagawan nyo ng pangarap kung ipipilit nating sumabay sa pagbabago ng transportasyon."

Batay sa makikitang tarpaulin sa larawang kalakip ng post, si Daniela ay nagtapos sa Southern Luzon University sa Lucban, Quezon, at isa nang ganap na engineer matapos makapasa sa April 2023 board exam para sa electrical engineering. Nakapasa rin siya noong September 2022 sa Master Electrician Licensure Examination.

Habang isinusulat ang artikulong ito ay umabot na sa 8.5k reactions at 5.3k shares ang nabanggit na viral Facebook post.