Nagpaalala si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga Manilenyo na mag-ingat sa pagdiriwang ng Bagong Taon upang makaiwas sa disgrasya.
Ayon kay Lacuna, mas magiging maganda at masaya ang pagdiriwang ng Bagong Taon kung walang mga sumasabog na paputok, na magdudulot lang ng pagkasugat at panganib sa buhay.
Sinabi ni Lacuna na base sa ulat ng Department of Health (DOH) ay mayroong pagtaas sa kaso ng fireworks-related injuries (FWRI) kahit malayo-layo pa ang selebrasyon ng Bagong Taon.
Ilan sa mga biktima ay naputulan ng daliri at nasugatan sa mata.
Iniulat din ng alkalde na sa kasalukuyan, ang fireworks related injuries sa lungsod ay umakyat na sa 50 kung saan Metro Manila ang nakapagtala nang mas marami.
Kaugnay nito, hinikayat ni Lacuna ang mga barangay na magtalaga ng common fireworks display area kung saan ang mga residente ay sama-samang manonood sa isang safe and controlled environment.
Hinimok din ng alkalde ang mga residente na huwag nang gumamit ng paputok upang mapangalagaan ang kanilang sarili at iba pa mula sa panganib na dala ng paputok na maaaring magresulta sa pagkaputol ng daliri, kamay at paa.
Binigyang-diin ng lady mayor na ang sandaling panahon ng kasiyahan ay walang halaga kung madidisgrasya naman ang mahal sa buhay na labis na makaaapekto sa buong buhay nila.
"Public safety remains our foremost concern. I am appealing to all barangay authorities to convince their constituents to resort to safer ways of welcoming the New Year like using pots and pans or the traditional party horns," aniya pa.