Hindi mawawala ang iba't ibang ganap sa mga tanggapan, kompanya, at mga paaralan bago sumapit ang holiday break at mismong Pasko. Isa na riyan ang pagdaraos ng Christmas party, o tinatawag na ngayong "year-end party."
At siyempre, kasama sa party ang tinatawag na "exchange gifts" o bigayan ng regalo sa mga magkakaklase.
Iba-iba man ang paraan kung paano ito ginagawa, ang mahalaga, lahat ay may matatanggap na regalo.
Ang iba, sa pamamagitan ng palabunutan, ngunit sa mas praktikal at mas tiyak na paraan, ang iba ay nagsasagawa ng "wish list" basta't pasok sa ibinigay na halaga ng regalong kailangang bilhin.
Kaya naman, humaplos sa puso ng mga netizen ang Facebook post ng isang nanay na si "Wendy Quiambao Abaca" matapos niyang ibahagi kung paano niya pinroseso sa anak na si "Gab" ang tungkol sa natanggap nitong regalo sa kanilang exchange gift.
Tila hindi kasi nagustuhan ng anak ang "notebooks" na natanggap niya.
Kuwento ni Wendy, bago pa man ang Christmas party ay nagpapabili sa kaniya ng notebooks ang anak dahil naubos na ito. Ang notebooks ay isa sa mga pangangailangan ng isang mag-aaral sa paaralan. Limang pirasong notebooks ang ipinabibili ng anak. Ipinangako naman ng nanay na bibilhan niya ito dahil sa Enero pa naman ang resumption of classes mula sa holiday break.
Excited daw ang anak niya sa kanilang Christmas party lalo na matatanggap niyang regalo sa ka-exchange gift.
Ngunit matapos ang Christmas party at umuwi na ang anak, napansin daw ni Wendy na tila dismayado ang mukha ng anak.
"Masaya naman daw ang Christmas party nila pero kita sa mukha n'ya na mejo parang nadismaya sya sa natanggap nyang regalo😅, siguro dahil bata nag-expect sya na ang matatanggap nyang regalo ay kung ano nasa wishlist nya.. and it's normal."
"Kasi ung pinang exchange gift nya ay ung request Nung nabunot nya at galing sa baon nya Ang pinambili nya duon.. pero Ang natanggap nya ay 7pcs. notebook."
Agad daw nilang pinroseso sa anak na ipinagkaloob ng Diyos ang kailangan niyang notebook para hindi na ito madismaya.
"Papa: Diba Gab Ang galing ni Lord, alam Nya kung ano Ang kaylangan mo. Nagpapabili ka Kay mama 5pcs. lang pero Ang binigay Sayo ay 7pcs.pa!," anang mister ni Wendy.
Sang-ayon daw si Wendy sa sinabi ng mister niya. Bilang mga magulang, kailangan daw ay turuan na ang mga anak na maging grateful sa mga bagay na natatanggap nila.
"Oo nga naman... Minsan kaylangan nating turuan ang mga anak nating maging [grateful] sa kung ano man ang dumarating na biyaya, dapat tayo mismo, satin mismo makita na ok lang 'yan kahit di ung ini-expect mo ang dumating, kasi ang ibibigay ni Lord yung mas the best palagi para sa'tin."
"Learn to be [grateful] kahit sa maliit na bagay lang."
"Kaya sa nagregalo nito sa anak ko thank you🤗 malaking bagay ito at magagamit talaga ni Gab sa pag-aaral.
#ineverythinggivethanks🙏," aniya.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen.
"Ganyan dapat ituro sa mga bata..be thankful and grateful"
"Amen"
"Amen for this!!! Merry Christmas!!!"
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Wendy, sinabi niyang sana raw ay maraming ma-inspire na netizen ang kaniyang Facebook post, hindi lamang mga bata, kundi mga nakatatanda.
---
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!