Ipinaabot ni National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee ang kaniyang naramdaman matapos niyang mapanood ang historical film na “GomBurZa.”
Sa isang X post ng direktor ng pelikula na si Pepe Diokno nitong Linggo, Disyembre 24, ibinahagi niya ang naging mensahe sa kaniya ni Lee hinggil sa pelikula.
“Just got the sweetest message from Sir Ricky (he gave me permission to share). I am crying now ,” caption ni Diokno sa kaniyang post.
Mababasa naman sa screenshot ng message ni Lee ang kaniyang pagbati sa direktor, maging ang feedback niya sa pelikula.
“Hi Pepe! Congratulations. If theres one word to describe the film, it’s magnificent,” mensahe ni Lee kay Diokno.
“I have never felt more Filipino as I left the theater,” dagdag pa niya.
Ang “GomBurZa” ay tungkol sa buhay ng tatlong Pilipinong pari na sina Padre Mariano Gomes, Jose Burgos, at Jacinto Zamora, na ginarote ng mga Espanyol matapos pagbintangan ng subversion noong 1872. Ang kanilang pagkamatay ay naging dahilan ng pagsiklab ng tapang sa puso ng mga Pilipino upang magrebolusyon laban sa mga mananakop.
Maaari nang mapanood ang pelikula sa mga sinehan simula sa araw ng Pasko, Disyembre 25.
Kabilang ang “GomBurZa” sa mga pelikulang pinangalanan bilang kalahok sa 2023 Metro Manila Film Festival.