Mga expressway, 'di muna maniningil ng toll ngayong Kapaskuhan
Hindi muna maniningil ng toll ang mga expressway na pag-aari ng San Miguel Corporation (SMC) mula Disyembre 24-25, at Disyembre 31, 2023 hanggang Enero 1, 2024 ngayong Kapaskuhan.
Ang mga naturang kalsada ay kinabibilangan ng Southern Tagalog Arterial Road (STAR), South Luzon Expressway (SLEX), Skyway System, NAIA Expressway, at Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX).
Ipatutupad ang hakbang simula 10:00 ng gabi ng Disyembre 24 hanggang 6:00 ng umaga ng Disyembre 25, at Disyembre 31 hanggang Enero 1.
“This annual tradition is our way of showing the Christmas spirit, especially for those who for some reason will have to travel late and try to get home to their loved ones. Through this, we hope to help spread the Filipino Christmas spirit, and also wish our countrymen well at the start of the new year,” anang kumpanya.
Inabisuhan din ng kumpanya ang mga motoristang bumibiyaheng patungo at mula sa Metro Manila na maglaan ng oras dahil sa inaasahang pagsisikip ng daloy ng trapiko bago pa pumasok ang 2024.