
(Manila Bulletin File Photo)
Bulkang Mayon, 2 beses nagbuga ng abo
Dalawang beses na nagbuga ng abo ang Bulkang Mayon sa nakaraang 24 oras na monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Gayunman, hindi binanggit ng Phivolcs ang mga lugar na naapektuhan ng ashfall.
Bukod dito, nagbuga rin ng mga bato ang bulkan na sinabayan pa ng apat na magkakasunod na pagyanig.
Umabot din sa 1,206 tonelada ng sulfur dioxide ang pinakawalan ng bulkan nitong Disyembre 23, bukod pa ang ibinugang puting usok na tinangay ng hangin pa-kanluran-hilagang kanluran.
Ipinagbabawal pa rin ang paglapit at pagpasok sa 6-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) dahil sa nakaambang phreatic explosions, pagbuga ng mga bato at pagragasa ng lahar sakaling magkaroon ng malakas na pag-ulan.
Nananatili pa rin sa Level 2 ang alert status ng bulkan, ayon pa sa Phivolcs.