Amasona, 1 pang NPA member, patay sa sagupaan sa Cagayan
Dalawang miyembro ng New People's Army (NPA), kabilang ang isang babae ang nasawi matapos ang halos isang oras na sagupaan pagitan ng grupo ng mga ito at ng tropa ng pamahalaan sa Gattaran, Cagayan nitong Sabado ng umaga.
Inaalam pa ng militar ang pagkakakilanlan ng dalawang nasawi na kapwa miyembro ng East Front Committee ng Cagayan Valley Regional Committee, ayon sa report ng 5th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army (PA).
Nilinaw ng PA, walang naiulat na nasawi o nasugatan sa panig ng gobyerno sa 50 minutong engkuwentro sa Barangay San Carlos, Gattaran nitong Sabado ng umaga.
Bago ang engkwentro, nakatanggap ng impormasyon ang militar kaugnay ng namataang grupo ng mga rebelde sa lugar.
Nang magresponde sa lugar ang mga miyembro ng 95th IB, kaagad silang pinaputukan ng tinatayang 12 na rebelde hanggang sa magkaroon ng engkuwentro.
Narekober sa pinangyarihan ng sagupaan ang isang 5.56mm R4 rifle at equipment.