Dalawang overseas Filipino workers (OFWs) na nakaligtas sa pag-atake ng militanteng grupong Hamas sa Israel nitong Oktubre 7 ang nakipagkita kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Malacañang nitong Biyernes.
Ito ang kinumpirma ni Presidential Communications Secretary Cheloy Garafil at sinabing ang dalawang Pinoy ay sina Jimmy Pacheco at Camille Jesalva na kapwa inilahad sa Pangulo ang kanilang karanasan sa kamay ng Hamas group.
"President Marcos said he was pleased to meet Pacheco and Jesalva, and that they returned home safely,” ani Garafil. Si Pacheco na nagtatrabaho bilang caregiver sa Israel ay kabilang sa mga hostage na pinalaya nitong Nobyembre 24 matapos ang 50 araw na pagkakabihag sa Gaza.
Dumating sa bansa si Pacheco nitong Disyembre 18.
Isa ring caregiver si Jesalva, taga-Nueva Ecija, na naging instant hero matapos ilahad ang kanyang karanasan kung paano niya nailigtas ang sarili at inaalagaang 95-anyos na employer mula sa paglusob ng grupong Hamas sa kanilang bahay.
Matatandaang pinahanga ni Jesalva ang publiko dahil sa katapangan, dedikasyon at katapatan nang hindi nito pabayaan ang among si Nitza Hefetz sa gitna ng paglusob ng militanteng grupo.
“Jesalva and Nitza were residing in Nirim Kibbutz on the Gaza-Israel border, which was attacked by Hamas on Oct. 7. Several militants entered their home and robbed Jesalva of her money that she was supposed to spend for her planned vacation in the Philippines,” ani Garafil.
Nailigtas ng Israeli defense forces sina Jesalva at Hefetz sa nasabi ring araw ng pag-atake ng Hamas.
Isinalaysay naman ni Pacheco kung paano sila nagpalipat-lipat ng lugar habang bihag ng Hamas upang makaligtas sa pambobomba ng Israeli forces.
Aniya, tanging prutas na dates at tubig ang kanilang rasyon sa loob ng 40 araw na pagkabihag.
"At least nakauwi kayo, at saka Merry Christmas. Napakabigat naman nung experience niyo. Isulat ninyo o i-video ninyo,” pahayag naman ng Pangulo.
“Dapat gawin nating lahat nung mga… lahat ng repatriate. Ikuwento sila, para malaman ng tao kung ano ‘yung pinagdaanan nila. ‘Yung Israeli, mahal naman tayo eh,” dagdag pa ni Marcos.