Karamihan sa mga Pilipino ang nagsabing sasalubungin nila ang bagong taon nang may pag-asa, sa kabila ng mga paghihirap na kinahaharap nila sa araw-araw, ayon sa survey ng Pulse Asia na inilabas nitong Biyernes, Disyembre 22.
Sa inilabas na resulta ng survey ng Pulse Asia, 92% umano ng mga Pinoy ang nananatiling “optimistic” at haharapin ang 2024 nang may pag-asa.
“This is the prevailing sentiment in every geographic area and socio-economic grouping (84 percent to 95 percent and 90 percent to 92 percent, respectively),” anang Pulse Asia.
Samantala, 1% lamang umano ng mga Pinoy ang nagsabing haharapin nila ang bagong taon nang walang pag-asa, habang 7% ang hindi sigurado.
Isinagawa ang naturang survey mula Disyembre 3 hanggang 7, 2023 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents sa bansa.