Ang pagdiriwang ng Pasko ay bahagi ng kulturang ipinamana sa atin ng mga mananakop na Kastila simula nang dalhin nila ang Katolisismo sa Pilipinas.

Pinaniniwalaang sa petsang ito, Disyembre 25, ang kapanganakan ni Hesus na Diyos at tagapagligtas ng sanlibutan sang-ayon sa pananaw ng mga Kristiyano.

Samantala, ang Bagong Taon naman ay sinimulan umanong ipagdiwang nang gamitin sa bansa noong 1582 ang Gregorian calendar.

Lalo namang naging makulay ang Bagong Taon sa Pilipinas nang mabahiran ng impuwensiya ng mga dayuhang Tsino ang pagdiriwang na ito. 

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ano-ano nga ba ang mga paniniwala at pamahiing nakakabit sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon sa bansa?

1.Pagkompleto sa simbang gabi

Ang simbang gabi ay bahagi ng tradisyong Pilipino tuwing Kapaskuhan. Nagsisimula ito tuwing ika-16 ng Disyembre at matatapos naman sa ika-24 ng nasabi ring buwan.

Maraming Pilipino ang patuloy pa ring sumusunod sa tradisyong ito dahil malaki ang paniniwala nila na posibleng matupad ang kanilang hiling at dasal sa buhay kapag nakompleto nila ang simbang gabi.

2. Huwag pumatay ng insekto

May mga Pilipino raw na naniniwalang hindi dapat pumapatay ng insekto sa araw ng Kapaskuhan. Posible raw kasing magdala ng kamalasan ang pagiging malupit sa mga insekto. Hayaan daw itong makisalo rin sa saya ng pagdiriwang ng kapanganakan ni Hesus.

3. Huwag maligo.

Ang paliligo raw sa araw ng Pasko ay isang akto ng pag-aalis ng paparating na swerte sa buhay. Kaya para mapanatili ang mga ito, hayaan muna ang sariling mangamoy.

4. Paglalagay sa kaldero ng bigas, barya, at itlog

Ayon sa ulat, may mga Pilipino umanong naniniwala na pampasagana ang paglalagay ng bigas, 12 barya, at 12 itlog sa kaldero. At pagdating ng araw ng Pasko, lulutuin ang itlog at bigas. Itatabi naman ang mga barya para swertehin ang negosyong tindahan.

5. Paglalagay ng bulak sa gilid ng bintana

Ang paglalagay naman umano ng mga bulak sa gilid ng bintana ay simbolo ng kadalisayan ng pagsilang ni Hesus. At dahil ang pangunahing katangian ng bulak ay magaan, naniniwala ang ibang Pilipino na magiging ganoon din ang kanilang buhay sa darating na taon.

6. Paghahain ng malalagkit na pagkain

Ang paghahain umano ng malalagkit na pagkain tuwing Bagong Taon gaya ng biko, tikoy, buchi, palitaw, at kalamay ay nakakaakit ng suwerte. Malaki ang posibilidad na dumikit sa isang tao ang magandang kapalaran.

7. Pag-iingay

Naniniwala ang maraming Pilipino na ang pag-iingay ay makakatulong para mapalayas ang mga umaaligid na kamalasan at negatibong elemento sa loob ng bahay. Kaya may ibang nagpapaputok. O kaya naman, para sa mas ligtas na pag-iingay, pagpapatugtog nang malakas at paggamit ng torotot. 

8. Paghahain ng 12 prutas na bilog

Ang paghahain ng 12 prutas na bilog sa Bagong Taon ay isa umanong paraan ng pagpapapasok ng swerte sa buhay. Ibig sabihin, kung may 12 prutas na nakahain sa hapag ng isang household, 12 buwan din silang suswertehin sa buhay.

9. Pagsusuot ng damit na may disenyong polka dots

Ang polka dots ay bilog na tila hugis barya. Kung gayon, malaki ang tiyansa na lumapit at kumapit sa isang tao ang biyaya ng pera kung siya ay magsusuot ng damit na may disenyong polka dots.

10. Pagtalon

Sikat na paniniwala para sa mga bata ang pagtalon pagsapit ng Bagong Taon. Magiging mabilis daw kasi ang pagtangkad nila sa kanilang pagtanda kung gagawin ito. 

Totoo man o inimbento, hindi na maitatanggi pang bahagi na ito ng pagkakakilanlan ng mga Pilipino bilang isang bansa.  

Ikaw, alin sa mga ito ang susundin mo sa darating na Pasko at Bagong Taon?

MAKI-BALITA: BaliTanaw: Paano nga ba nagsimula ang ‘Simbang Gabi’ sa ‘Pinas?