Number coding scheme, 'di sususpendihin kahit may transport strike

(PNA)
Number coding scheme, 'di sususpendihin kahit may transport strike
Hindi sususpendihin ang implementasyon ng number coding scheme sa kabila ng inilunsad na tigil-pasada ng ilang transport group.
Ipinahayag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Assistant General Manager for Operations David Vargas, sa isang television interview nitong Miyerkules, nananatilli pa ring kontrolado ng ahensya ang sitwasyon ng trapiko sa National Capital Region (NCR).
"Wala pang abiso ang ahensya pero personally, hindi na ho tayo mag-su-suspend ng number coding dahil manageable naman ang traffic," anang opisyal.
Ipinatutupad ang number coding simula 7:00 ng umaga hanggang 10:00 ng umaga at 5:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi, mula Lunes hanggang Biyernes.
Matatandaang inilunsad ng grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) at Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela) ang tigil-pasada nitong Lunes, Disyembre 18 bilang pagtutol sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.
Ikinatwiran ng mga transport group, tinututulan nila ang December 31, 2023 deadline ng gobyerno upang maisuko ng mga PUV operator ang kanilang individual franchise at tuluyang magsama-sama sa mga kooperatiba.
Ang nationwide transport strike ay tatagal hanggang Disyembre 29.