Inanunsiyo ni Manila Mayor Honey Lacuna na nagsisimula na ang pamamahagi ng monthly allowances para sa mga solo parents sa lungsod ng Maynila.
Kaugnay nito, pinayuhan ng alkalde ang mga benepisyaryo na mag-check sa social media account ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) upang makita ang mga iskedyul hinggil sa payout o distribusyon ng naturang mga allowances.
Base sa ulat ni MDSW chief Re Fugoso, sinabi ng alkalde na ang distribusyon ng financial aid ay isasagawa hanggang sa ikalawang linggo ng Enero 2024.
Aniya pa, ang sinumang may mga katanungan o naghahanap ng klaripikasyon hinggil sa kanilang datos, ay maaaring direktang magtanong sa kanilang MDSW District Welfare Offices, kabilang dito ang (District 1) Vitas Aquatic Center; (District 2) Tesda Building Tayuman; (District 3) Alvarez St. gilid ng Rasac Court; (District 4) Likod ng Presinto 4 Balic-Balic; (District 5) Bahay Kalinga Building Paco; (District 6) Bahay Kalinga Building Paco at Baseco – Baseco Office malapit sa Barangay Hall.
Sinabi pa ni Lacuna na naglagay si Fugoso ng mga designated help desks sa bawat area kung saan isinasagawa ang payouts, upang direktang matugunan ang anumang katanungan o concern ng mga recipients o residente.
Hinggil naman sa mga PWD concerns, sinabi ni Lacuna na ang mga residente ay maaaring magtungo ng direkta sa Persons with Disability Affairs Office (PDAO) na matatagpuan sa Room 111, Ground Floor, Manila City Hall o di kaya ay tumawag sa mga numerong 53365436 o 53103267.
Sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng lungsod, ang mga senior citizens, PWDs, solo parents, Grade 12 students at PLM at UdM students ay makakatanggap ng tulong mula sa local government, sa pamamagitan ng monthly cash aid.