Umabot na sa 118 mga indibidwal ang naiulat na nasawi sa China matapos yumanig ang isang malakas na lindol nitong Lunes ng gabi, Disyembre 18.

Sa ulat ng Agence France-Presse, nagyari ang lindol dakong 11:59 ng gabi nitong Lunes.

Namataan umano ang epicenter nito 100 kilometro ang layo sa timog-kanluran ng kapital ng probinsya ng Gansu, at may lalim itong 10 kilometro.

Naitala ng US Geological Survey na nasa magnitude 5.9 ang lakas ng lindol, habang naiulat naman ng Xinhua na nasa magnitude 6.2 ito.

Internasyonal

Mahigit 40 unggoy, nakatakas sa isang research compound sa South Carolina

Kaugnay nito, inihayag ng mga opisyal sa lalawigan ng Gansu sa China na nagdulot ang lindol ng pagkasawi ng hindi bababa sa 105 katao at pagkasugat ng halos 400 indibidwal nitong Martes ng umaga, Disyembre 19.

Iniulat naman ng broadcaster CCTV na 13 iba pa ang nasawi, 182 ang nasugatan, at 20 ang nawawala sa Haidong sa karatig na lalawigan ng Qinghai.

Libu-libong mga tahanan din umano ang nasira dahil sa lindol.

Samantala, nagpapatuloy pa rin ang rescue operations sa mga lugar na napinsala ng nasabing pagyanig, ayon sa ulat ng AFP.