Masayang-masaya ang Kapuso star at tinaguriang "Asia's Multimedia Star" Alden Richards dahil 13 taon na siya sa showbiz.
Noong Linggo, Disyembre 17, ay nagdaos ng thanskgiving event si Alden para sa kaniyang lagpas-dekada na sa showbiz industry, at in fairness naman talaga, isa siya ngayon sa mga bankable actor hindi lamang ng kaniyang home network kundi maging sa industriya.
Kaya sa pa-video message ni Alden para sa kaniyang sarili, sinabi niyang sa lahat ng mga pinagdaanan niya, masasaya man o hindi masyadong masasaya, lahat iyon ay maituturing niyang blessing. "Malayo na pero malayo pa," aniya.
"Dear Alden, in the past 13 years of your career, ang dami ng mga nangyari. Masasaya at malulungkot. May sakit pero may ginhawa."
"Higit sa lahat, ako'y nagpapasalamat sa dami ng kaalaman na dumating sa'yo. Pero hindi pa tayo natatapos. Marami pang dapat matutunan. Malayo na pero malayo pa."
Sumikat nang husto si Alden nang mapatambal siya kay Maine Mendoza at mabuo nang aksidente ang "AlDub" sa noontime show na "Eat Bulaga!" ng Tito, Vic, and Joey o TVJ noong nasa GMA Network at TAPE, Inc. pa sila.
Simula noon ay halos nagtuloy-tuloy na rin ang ,mga proyekto ni Alden na halos hindi na nababakante.
Isa sa mga tinatakan pa ni Alden ay ang pagiging box-office king dahil sa success ng "Hello, Love, Goodbye" na unang pagtatambal nila ni Kapamilya Star Kathryn Bernardo, at unang pelikula niya sa Star Cinema.
Katatapos lang ng "Five Breakups and a Romance" nila ni Julia Montes na tumabo rin naman sa takilya, subalit heto't may pelikula na naman si Alden na "Family of Two" kasama si Megastar Sharon Cuneta.
Kasama ito sa mga pelikulang kalahok sa 2023 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Congrats, Alden!