Inaasahang makaaapekto ang low pressure area (LPA), northeast monsoon o amihan, at shear line sa malaking bahagi ng bansa ngayong Martes, Disyembre 19, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inihayag ni Weather Specialist Obet Badrina na huling namataan ang LPA sa loob ng PAR (dating bagyong Kabayan) 290 kilometro ang layo sa West Southwest ng Zamboanga City.
Maliit na ang tsansang muling lumakas ang naturang LPA at maging bagyo, ayon kay Badrina.
Samantala, inihayag din ng PAGASA na inaasahang magdadala ang LPA, maging ang shear line o ang pagsasalubungan ng mainit at malamig na hangin, ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Visayas, Mindanao, MIMAROPA, Bicol Region, Quezon, at Aurora.
Malaki rin ang tsansang makaranas na maulap na kalangitan na may kasamang pag-ulan sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region dahil naman sa amihan.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon umano ng malalakas na ulan.
Posible rin naman umanong magdulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon.
Wala namang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito, ayon sa PAGASA.