
(PNA)
15,705 pamilya, apektado ng bagyong 'Kabayan' sa Surigao del Sur
Tinatayang aabot sa 19,000 residente ang inilikas matapos bahain ang kanilang lugar sa Surigao del Sur bunsod na rin ng paghagupit ng bagyong Kabayan simula pa nitong Linggo ng gabi.
Sinabi ni Surigao del Sur Gov. Alexander Pimentel, naka-red alert na ang lalawigan at inatasan na rin ang mga local government unit (LGU) na magpatupad na ng forced evacuation.
Iniutos din ng gobernador na gamitin ang mga evacuation center at gawing aktibo ang emergency centers.
Sinuspindi na rin ni Pimentel ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan, gayundin ang pasok sa pribado at pampublikong tanggapan.
Sa datos naman ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), umabot na sa 15,705 pamilya o 57,718 indibidwal ang apektado ng bagyo sa lalawigan.
Kabilang ang Surigao del Sur sa isinailalim ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa Signal No. 2 nitong Linggo, Disyembre 17, bunsod ng bagyo.
PNA