Panahon na naman ng Pasko at Bagong Taon, at hindi maipagkakailang magastos at masarap mamili sa panahong ito; para sa sarili, para sa pamilya, para sa mga kaibigan, at para sa mga katrabaho o kaklase lalo na sa kaliwa't kanang Christmas parties at Year-End parties.

Pero babala, dapat ay doble-ingat din dahil mas doble-kayod din ang mga kawatan at mapagsamantala.

Ang aktres na si Ellen Adarna, nasampolan na matapos makatanggap ng notification messages mula sa branch of bank account niya na may gumagamit ng credit card niya, nang wala siyang pahintulot o hindi naman siya ang gumagamit. "Unauthorized transactions" ang tawag dito.

MAKI-BALITA: ‘Sana all hacker/scammer nakapag-shopping na!’ Credit card ni Ellen, hina-hack

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Bukod kay Ellen, ibinahagi rin ng aktres na si Arci Muñoz na nawalan naman siya ng halos ₱500k sa kaniyang savings account matapos makuha ang ATM card niya sa isang flight.

MAKI-BALITA: ₱500k ginastos ng kawatan ng debit card ni Arci Muñoz

Ganito rin ang reklamo ng news personality na si DJ Chacha.

MAKI-BALITA: ‘Shopping galore!’ DJ Chacha naloka sa 60+unknown transactions sa credit card

Matinik na rin ang sumasabay sa makabagong teknolohiya ang scammers ngayon kaya kailangang alerto lalo na sa mga transaksyon sa online world na usong-uso na ang paggamit ng e-wallets at online banking.

Paano nga ba makakaiwas sa mga ganitong senaryo o sitwasyon, kahit na maingat naman tayo sa bank details at debit/credit cards natin? Hindi natin kontrolado ang pag-iisip ng mga kawatan subalit tiyak na kahit paano, may magagawa tayo. Narito ang ilang tips na puwedeng gawin:

1. Iwasang i-post sa social media ang larawan ng debit/credit cards at bank details.

Huwag nang i-post sa social media platforms ang iyong ATM at credit cards, o kung hindi maiiwasan, makabubuting takpan ang mahahalagang numero at detalye rito.

2. Baguhin kaagad ang password.

Maaaring baguhin kaagad ang password ng iyong online banking at credit card account. lalo na kung nakatanggap na ng babala mula sa bangko na may nagtatangkang gumamit ng iyong account. Ito ay para maprotektahan ang iyong personal na impormasyon at maiwasan ang posibleng karagdagang pagsasamantala mula sa mga hackers

3. Tumawag sa Bangko o Credit Card Company.

Agad na tawagan ang iyong bangko o credit card company para ipaalam sa kanila ang sitwasyon. Ang kanilang mga customer service representatives (CSR) ay may mga protocol para sa mga insidenteng ito at maaaring agad kang matulungan sa pagprotekta sa iyong account.

4. I-report sa Law Enforcement.

Kung ang pangyayari ay malubha at may ebidensiyang kriminal na gawain, maaari mong i-report ito sa lokal na pulisya o sa cybercrime unit ng iyong bansa.

5. I-update ang Security Features.

Kung maaari, i-update ang security features ng iyong credit card o bank account. Halimbawa, puwede mong baguhin ang PIN, i-activate ang two-factor authentication, o baguhin ang mga security settings sa iyong online account.

6. I-monitor ang Credit Report.

Regular na i-monitor ang iyong credit report upang siguruhing walang iba pang unauthorized na transaksyon.

7. Ipasubmit ang dispute/record ng unauthorized transactions.

Maaaring hilingin sa iyong bangko o credit card company na ipasubmit ang isang dispute sa mga unauthorized transactions. Karaniwan, may proseso para dito, at maaari kang magkaroon ng temporary credit card habang iniimbestigahan ang kaso.

8. Mag-ingat sa Phishing.

Huwag basta-basta magbibigay ng personal na impormasyon sa mga hindi kilalang email o tawag, o kaya ay mag-click ng mga nakikita o ipinapadalang link sa social media platforms. Maaaring ito ay isang paraan ng phishing, kung saan ang mga scammer ay nagpapanggap na sila ay taga-bangko o credit card company upang kunin ang iyong impormasyon.

9. I-check ang ATM o credit card swiper.

Kung kakayanin, bago ipasok ang debit card sa ATM o ipa-swipe ang credit card ay i-check muna kung wala itong mga kahina-hinalang aparato o device na nakadikit dito, na puwedeng makakuha ng password o PIN.

Mahalaga ang agarang aksyon upang mabilis na masolusyunan ang isyu at maprotektahan ang iyong mga pondo at personal na impormasyon.

Pinaghirapan natin iyan, at huwag i-tolerate ang masasamang gawain gaya nito.