Nakahanda na ang mga grupong Manibela at PISTON sa isasagawa nilang malawakang tigil-pasada simula umano bukas ng Lunes, Disyembre 18, hanggang sa Disyembre 29 bilang pagprotesta sa hindi pagpapalawig ng pamahalaan sa deadline ng franchise consolidation sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Sa isang Facebook post nitong Linggo, Disyembre 17, inihayag ni MANIBELA Chairperson Mar Valbuena na inaasahan nila ang pagdalo ng mga indibidwal at grupo na maaapektuhan ng Disyembre 31, 2023 na deadline para sa consolidation.
“Sa lahat ng mga ruta at bawat grupo na magtatayo ng Strike Center manatili po tayong matatag kagaya ng napag usapan natin ipahayag ng buong puso ang ating hinaing na may kababaang-loob. Maraming salamat po at pagpalain nawa tayo ng Poong Maykapal,” saad ni Valbuena.
Matatandaang noong Disyembre 15 nang ideklara ng Manibela at PISTON ang muling pagsasagawa ng tigil-pasada simula Disyembre 18 hanggang Disyembre 29, 2023 upang palakasin at mapakinggan umano ang kanilang panawagan.
Nangyari ang naturang anunsyo sa gitna ng ikalawang araw ng 2-day transport strike ng PISTON.
Nito lamang namang Disyembre 12, 2023, inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi na umano palalawigin ng pamahalaan ang deadline para sa consolidation ng PUV operators.
“We cannot let the minority cause further delays, affecting majority of our operators, banks, financial institutions, and the public at large. Adhering to the current timeline ensures that everyone can reap the benefits of the full operationalization of our modernized public transport system. Hence, the scheduled timeline will not be moved,” pahayag ni Marcos kamakailan.
Taong 2017 nang simulan ng Department of Transportation ang PUVMP. Ngunit tutol dito ang mga jeepney driver at mga operator dahil masyado umanong mahal ang modern jeepneys na maaari raw umabot sa mahigit ₱2 milyon.