Si Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte ang nagsisilbing caretaker ng pamahalaan habang nasa Tokyo, Japan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. mula Disyembre 15 hanggang Disyembre 18 para sa isang regional summit.
Sa isang pahayag nitong Sabado, Disyembre 16, inanunsyo ng Office of the Vice President (OVP) na sa Davao City mag-oopisina si Duterte habang nasa official trip pa si Marcos para sa Association of Southeast Asian Nations-Japan (ASEAN-Japan) commemorative summit.
“The Vice President will discharge her duties and will preside as Chairperson of the Executive Committee meetings in Davao City during the official travel abroad of President Marcos from December 15 to 18,” pahayag ng OVP.
“She will hold office in DepEd NEAP Davao and OVP Davao Satellite office,” dagdag pa nito.
Ang naturang pag-anunsyo ng OVP ay matapos niyang hindi dumalo ng bise presidente, sa unang pagkakataon, sa pre-departure event ng presidente nitong Biyernes, Disyembre 15.
Sina Marcos at Duterte ang running mates noong 2022 national elections sa ilalim ng UniTeam.
Matatandaan namang sa unang pagkakataon ay ipinahayag ni Duterte kamakailan ang pagtaliwas ng kaniyang pananaw sa naging hakbang ni Marcos na bigyan ng amnestiya ang ilang grupo ng mga rebelde bilang bahagi umano ng peace initiatives ng administrasyon.