
(Manila Bulletin File Photo)
'Invasion' mode ng Chinese vessels sa Ayungin Shoal, pinalagan ng AFP
Nanindigan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi masasabing isang pag-atake ang nagkukumpulang Chinese vessels sa Ayungin Shoal.
Paliwanag ni AFP-Western Command (WesCom) Spokesperson, Commander Ariel Coloma nitong Biyernes, nakumpirma ang kumpulan ng mga barko ng China sa teritoryo ng Pilipinas sa isinagawang aerial patrol kamakailan. Gayunman, aniya, hindi nangangahulugang isa ito sa paraan ng pagsalakay ng China laban sa Pilipinas.
"As far as we are concerned, what we are seeing on the ground are the same old swarming tactics employed by the Chinese," aniya.
Reaksyon ito ni Coloma sa artikulong isinulat ni dating United States Defense official Ray Powell na isa ring maritime security expert, na nagsabing isang "pag-atake" ang pananatili ng mga barko ng China sa naturang bahagi ng West Philippine Sea (WPS).
Hinamon ni Coloma si Powell na ilahad ang kanyang batayan sa paggamit ng terminong "invasion" sa kanyang artikulo sa SeaLight website dahil matagal nang tensyonado ang sitwasyon sa WPS.
Binanggit ni Powell, nasa 11 Chinese vessels ang namataan sa Ayungin Shoal nitong Disyembre 11, habang ang iba naman ay namataan malapit sa boundary nito batay na rin sa satellite images ng Planet Labs.
PNA