
(AFP File Photo)
15 Pinoy na sakay ng barkong tinamaan ng missile sa Yemen, ligtas na!
Ligtas na ang 15 Pinoy seafarers na lulan ng barkong Al Jasrah na tinamaan ng missile ng rebeldeng grupong Houthi sa Yemen nitong Disyembre 15.
Ito ang kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Sabado batay na rin sa pakikipag-ugnayan sa kanila ng manning agency at shipping company ng mga Pinoy seaman.
Sa pahayag ng DMW, patawid na sana ang naturang container ship sa Bab al Mandeb Strait na karugtong ng Red Sea patungong Singapore mula sa Greek port of Piraeus nang biglang tamaan ng missile na pinalipad ng mga rebeldeng Houthi nitong Biyernes.
Walang naiulat na nasawi sa mga tripulante ng nasabing barko na pag-aari ng German transport company na Hapag-Lloyd.
Nangako naman ang DMW na tutukan nila ang sitwasyon ng mga tripulanteng Pinoy at inatasan na rin nila ang agency ng mga ito na makipagtulungan sa kani-kanilang pamilya.