Pinawi ng Department of Health (DOH) ang pangamba ng publiko sa tumataas na mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa isang pulong balitaan, tiniyak ni DOH Secretary Ted Herbosa na wala pa ring dapat na ikabahala ang mga mamamayan sa kabila ng naitatalang bahagyang pagtaas ng mga bagong kaso ng sakit at maging sa mga ulat na halos okupado na ang mga hospital beds ng ilang pagamutan ng mga COVID-19 patients.

Probinsya

Lalaki, pinugutan ang 56-anyos niyang tiyuhin; ulo, itinabi pa sa paa?

Paliwanag ni Herbosa, naging okupado na ang mga beds sa ilang pagamutan dahil nang lumuwag ang pandemya ay kumonti na ang mga hospital beds para sa COVID-19.

Marami kasi aniya sa mga ito ang inilipat na rin at ipinagamit sa mga pasyenteng may ibang karamdaman.

Hanggang nito aniyang Disyembre 11, mayroong occupancy rate na 16% sa COVID-19 beds at 14% naman sa intensive care unit (ICU) beds.

Paglilinaw naman ni Herbosa, ang naturang occupancy rates ay ikinukonsidera pa ring low risk.

Dagdag ng kalihim, “In our total statistics, it is still not as much higher compared to the similar months last year."

Aniya, "Yes, there is a slight uptick. Yes, hospitals said that puno na ang COVID beds nila. Pero ang context noon, kumonti na ang COVID beds kasi.”

Una nang sinabi ni DOH Undersecretary Eric Tayag nitong Huwebea na ang allocated COVID-19 beds sa tatlong pagamutan, na kinabibilangan ng Philippine Children’s Medical Center, National Kidney Transplant Institute, at The Medical City, ay halos okupado na, bunsod nang pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Sinabi naman ni Herbosa na hindi masyadong nag-aalala ang DOH sa mga kaso ng COVID-19 dahil ayon aniya sa kanilang infectious disease experts, ang mga pinakabagong variants of interest ng virus ay maihahalintulad na lamang sa mga common colds at flu.

Wala pa rin aniyang plano ang DOH na irekomenda ang mandatory na paggamit ng face masks ng mga mamamayan.