It’s the time of the year!

Ngayong Disyembre 16, magsisimula na muli ang “Simbang Gabi,” kung saan nakagawian na ng maraming mananampalataya ang siyam na araw na paggising ng madaling araw upang magsimba, bilang pagsalubong sa araw ng Pasko.

Ngunit, paano nga ba nagsimula ang tradisyon ng “Simbang Gabi” sa Pilipinas?

Ayon sa mga ulat, nagsimula ang mga pari sa simbahang Katolika na magsagawa ng misa sa madaling araw upang makadalo rito ang mga magsasaka bago sila magtrabaho sa bukid.

Human-Interest

Magna cum laude graduate na pinagsuot ng toga ang ama, kinaantigan

Isinagawa umano ng mga pari ang naturang hakbang lalo na’t sa Disyembre o panahon ng Kapaskuhan natatapat ang harvest season noon sa bansa, dahilan kaya’t mas abala ang mga Pilipinong magsasaka.

Kaya naman, gumigising daw sila ng 3:00 ng madaling araw para makapagsimba bago ang mahabang araw ng pagbabanat ng buto.

Mula noon, naging tradisyon na para sa mga debotong Katoliko ang siyam na araw na Simbang Gabi bago ang araw ng Pasko.

Nagsisilbi ring nobena ang Simbang Gabi para sa maraming mananampalataya, kung saan tulad ng ibang nobena, binubuo ito ng siyam na araw bilang paggunita sa mga araw na nanalangin si Birheng Maria at mga Apostol.

Umusbong din ang mga paniniwala na kapag daw nabuo ng isang tao ang siyam na araw ng Simbang Gabi, matutupad ang isa niyang kahilingan bilang bahagi ng nobena.

Ngunit bukod dito, sa paglipas ng panahon hanggang sa kasalukuyan ay malinaw na nagiging daan ang Simbang Gabi upang mas mapagbuklod ang bawat pamilya at magkaroon ng magandang ugnayan sa kanilang kapwa, lalo na sa mga nakakasabay nila sa pagsisimba.

Higit sa lahat, isang daan ang Simbang Gabi upang mas mapalapit sa Diyos at maramdaman ang tunay na diwa ng Pasko.

Magtatapos ang Simbang Gabi sa Disyembre 24.