Ipinangalan sa ama ni dating Manila Mayor Isko Moreno ang auditorium ng Manila Science High School sa Taft Avenue sa Maynila.
Sinabi ito ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Biyernes matapos na pangunahan ang pagpapasinaya ng bagong tayong 10-palapag na gusali ng paaralan.
Ayon kay Lacuna, nabuo ang konsepto ng pagpapagawa ng bagong paaralan noong si Moreno ay alkalde at siya naman ang bise alkalde pa lamang.
Ani Lacuna, "bigtime mangarap si Yorme" bilang pagtukoy sa bagong MSHS.
Naluha naman si Isko nang inanunsyo ni Lacuna na ipapangalan nila sa ama nitong si Joaquin Domagoso ang auditorium ng paaralan.
"Marapat lamang na isang bahagi ng paaralang ito ay ialay natin sa kanyang ama na si Joaquin Domagoso... para sa iyo 'to, yorme," sabi pa ni Lacuna.
Sa kanyang panig, pinuri naman ni Moreno si Lacuna dahil sa mahusay na trabaho nito sa Maynila at pagiging episyente sa pagtutok sa kanilang mga proyekto hanggang sa matapos ito.
Nagpasalamat din siya sa karangalang maipangalan sa kanyang ama ang auditorium ng paaralan.