Higit sa ₱1 bilyong combined winnings para sa mga lucky lotto bettors ang itinakda ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Itinaas ng ahensiya sa minimum na guaranteed na ₱500 milyon ang mga jackpot prizes para sa kanilang Grand Lotto 6/55 at Ultra Lotto 6/58 games.
Sa isang pulong balitaan nitong Biyernes, sinabi ni PCSO General Manager Mel Robles na ang high-stakes games, na tinatawag na ‘Handog Pakabog’ Christmas draws, ay magsisimula ngayong Sabado, Disyembre 26.
Ayon kay GM Robles, ang naturang malaking papremyo ay hiwalay pa sa iba pang lotto games gaya ng 6/49, na nag-aalok ng jackpot prize na ₱268,902,813.00 hanggang nitong Huwebes, Disyembre 14, at sa 6/45 at 6/42 games, na milyun-milyon din ang minimum jackpot prizes.
“This is our way of showing our appreciation to our loyal patrons. Starting Dec. 16, the Grand Lotto 6/55 and Ultra Lotto 6/58 will have a minimum guaranteed jackpot prize of ₱500 million each or more than ₱1-B in combined prizes,” ayon kay GM Robles.
“Gusto talaga nating mabigyan ng maligaya at masaganang Pasko at Bagong Taon ang ating mga kababayan. Ang lahat po ng ating lotto games ay milyon-milyon ang ang ibinibigay na pa-premyo kaya mas malaki at mas marami ang tsansa ng ating mga tapat na mananaya na magwagi at sa ganoon ay makatulong tayo sa kanila,” dagdag pa niya.
Tiniyak naman ni GM Robles na sa kabila ng malaking jackpot prizes, ang lotto tickets sa ‘Handog Pakabog!’ ay mananatili pa ring nasa ₱20 lamang bawat isa.
Ang Grand Lotto ay binubola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado habang ang UltraLotto naman ay tuwing Martes, Biyernes at Linggo.
Sa bawat bola umano na walang mananalo ay 22% ng sales para sa nasabing araw ang madadagdag sa prize pot.
Hinikayat din niya ang publiko na patuloy na tangkilikin ang lotto dahil ang perang nalilikom nila dito ay napupunta sa kawanggawa.
Aniya, ang mas maraming benta ay nangangahulugan ng mas malaking pondo para sa kawanggawa.
"More sales would mean [a] bigger Charity Fund. That would allow the PCSO to help more Filipinos in need,” paliwanag pa niya. “Christmas would be a nice time to help our kababayans. Bawat Taya, May Kawanggawa."
Ang PCSO ang siyang pangunahing ahensiya na responsible sa pangangalap at pagkakaloob ng pondo para sa iba't ibang charity programs ng pamahalaan, sa pamamagitan nang pagdaraos ng sweepstakes at loterya.