Iflinex ni dating Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang bagong tayong 10-storey building ng Manila Science High School.
Sa kaniyang Facebook post, nag-upload siya ng isang picture kasama ang aktor at “Eat Bulaga” host na si Buboy Villar kung saan makikita sa likuran nila ang building ng paaralan.
“Syempre naman, present kami ni Prinsipe Sedi todits sa gedli ng Manila Science High School, ang kauna-unahang pampublikong paaralan sa buong Pilipinas na 10-storey building, fully air conditioned, at mayroong mga makabagong pasilidad katulad na lamang ng auditorium,” anang ex-mayor.
“Ngayong araw po ay pormal ng binuksan ang isa sa mga makabagong paaralan na proyekto ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila,” dagdag pa niya.
Ngayong Huwebes, Disyembre 14, ang inagurasyon ng 10-storey building na pinangunahan ni Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo-Nieto.
Kabilang din si Domagoso sa mga naging speaker sa nasabing inagurasyon.
Ang 10-storey science high school ay matatagpuan sa Taft Avenue sa Maynila. Mayroon umano itong 158 fully air-conditioned classroom, 16 opisina, limang elevators, library, canteen, at auditorium.
Mayroon din itong mga pasilidad para sa extracurricular activities gaya ng gymnasium, roof deck para sa outdoor sports at exercise area, at isang outdoor basketball court na maaaring gawing football field.