Kinilala ng Guinness World Records (GWR) ang Eras Tour ni multi-Grammy award-winning American singer at songwriter Taylor Swift bilang “highest-grossing music tour ever,” kung saan ito umano ang pinakaunang nakalampas sa $1 billion dollars sa revenue.
Sa ulat ng GWR, binanggit nito ang datos ng Pollstar kung saan mula nitong Martes, Disyembre 12, 2023, ay nakalikom na umano ng $1.04 billion (£840 million) ang Eras Tour ni Taylor, na mayroong 151 shows worldwide.
Nagsimula ang naturang tour ng singer-songwriter noong Marso 2023 at inaasahang matatapos ito sa Disyembre 2024.
Hindi pa man natatapos ang Eras Tour ay nalampasan na raw nito ang five-year farewell tour ni Elton John, na mayroong 328 shows, na nakalikom ng $939 million (£749 million).
“Swift’s sixth concert tour is in fact so popular that it has earned more than this year’s next two highest-grossing tours (Beyoncé’s and Bruce Springsteen’s) combined,” anang GWR.
“Beyoncé’s 56-date Renaissance World Tour broke Madonna’s 14-year-old record for the highest-grossing music tour by a female artist, earning $579 million (£468 million) between May and October, before The Eras Tour subsequently took the title,” dagdag pa nito.
Dahil sa dami ng fans ni Taylor, tinatayang 72,000 katao raw ang uma-attend sa bawat show ng Eras Tour, dahilan kaya’t pumalo ang ito ng mahigit $17 million kada show.
Ayon din sa tala ng Pollstar, 4.3 milyong tickets na ang naibenta sa Eras Tour ni Taylor, at inaasahan umanong mahigit $2 billion dollars ang kikitain nito kapag natapos na ang mga natitira pa nitong shows.
Samantala, matatandaan namang kamakailan lamang ay kinilala rin ng GWR si Taylor bilang unang female artist na humakot ng 100 million monthly listeners sa Spotify.