Pumanaw na ang pinakamatandang tao sa Japan na si Fusa Tatsumi nitong Martes, Disyembre 12, sa edad na 116.
Sa ulat ng Agence France-Presse, kinumpirma ng isang opisyal sa Kashiwara City sa Osaka, Japan ang pagpanaw ni Tatsumi habang nasa isa umanong care facility sa Osaka.
Ipinanganak si Tatsumi noong 1907. Isang magsasaka ang kaniyang asawa at mayroon daw siyang tatlong anak.
Base naman sa footage na inere ng local media outlets sa naturang bansa, makikita umano si Tatsumi na nasa isang wheelchair habang nagdiriwang ng kaniyang ika-116 kaarawan nitong Abril.
Kinilala si Tatsumi bilang pinakamatandang tao sa Japan matapos pumanaw si Kane Tanaka noong nakaraang taon sa edad na 119.
Opisyal naman kinilala ng Guinness World Records si Tanaka bilang pinakamatandaang tao sa mundo noong Abril 2022.