Metro Baguio, hiniling sa DPWH na buksan Kennon Road
Hiniling na ng City Peace and Order Council at Baguio-La Trinidad-Itogon-Sablan-Tuba- Tublay (BLISTT) Development Authority sa pamahalaan na buksan na kaagad ang Kennon Road para na rin sa kapakanan ng mga turistang nagtutungo sa nasabing Summer Capital ng Pilipinas.
Sinabi ni City Mayor Benjamin Magalong, nasa kamay na ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Cordillera at Kennon Task Force ang pagpapasya sa usapin.
Ipinaliwanag din ni Magalong, sakaling tuluyang buksan ang 33.7 kilometrong kalsadang patungong Baguio, mapakikinabangan ito ng mga motorista, mababawasan ang oras ng biyahe, luluwag ang mga alternatibong ruta at manunumbalik ang economic activity sa malaking bahagi ng kalsada.
Ang Kennon Road na pinakamabilis na rutang patungong Baguio, Benguet, at Rosario sa La Union ay isinara sa motorista kamakailan dahil sa mga insidente ng pagdausdos ng mga bato na pinalala pa ng paghagupit ng mga nakaraang bagyo.