Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na dapat paghandaan ang magiging epekto ng El Niño phenomenon sa bansa.

“We must be prepared to counter its effect, which may last until the second quarter of 2024,” bahagi ng talumpati ni Marcos sa ginanap na inauguration ceremony ng Balbalungao Small Reservoir Irrigation Project (BSRIP) sa Nueva Ecija nitong Miyerkules.

Kaugnay nito, inatasan din ni Marcos ang mga ahensya ng pamahalaan na tapusin na ang mga irrigation facility at iba pang istraktura batay na rin sa pangangailangan ng mga magsasaka na maaapektuhan ng dry spell.

Kabilang sa inatasan ng Pangulo ang Department of Agriculture (DA) at National Irrigation Administration (NIA).

Aniya, dapat ding magtulungan ang pamahalaan at mamamayan upang mapaghandaan ang matinding epekto ng El Niño.

Binigyan din ni Marcos ng deadline ang mga government agency na matapos ang lahat ng El Niño-related mitigation projects.

“Kaya’t itong ganitong klaseng proyekto ay naging mas mahalaga pa at naging mas urgent pa. Kaya’t dahil kakaunti na lang ang ating natitirang panahon … meron tayong apat na buwan para tapusin lahat ‘yan, maging operational na lahat ‘yan," dagdag pa ng punong ehekutibo.