Ngayong darating na holiday season, hindi pwedeng mawala sa hapag-kainan ang menudo, afritada, mechado, at kaldereta. Masarap naman kasi talaga at panalo ang lasa.
Pero maraming Pilipino ang nalilito pa rin at nahihirapang matukoy kung ano ang alin o kung alin ang ano sa apat na putaheng ito dahil halos magkakahawig ang kani-kanilang hitsura at tekstura.
Ayon sa kultural na paliwanag ni Daryl Pasion, nakaugat umano ang kalituhang ito sa paraan ng pagpapangalan nating mga Pilipino sa ating mga ulam.
Kapag nagpapangalan daw kasi tayo ng ulam, laging nasa anyo ng pandiwa. Nagsasaad ng kilos; kung paano niluto.
Halimbawa: sinigang (siga), inihaw (ihaw), inasal (asal na isang terminong Bisaya), at pinakbet na pinaikling pinakibbet sa Ilokano na ang kahulugan ay pinatuyo hanggang sa kumonti ang sabaw.
At dahil nga dayuhang ulam at wala sa anyong pandiwa ang pangalan ng menudo, afritada, mechado, at kaldereta, nahihirapan tuloy tayong tukuyin ang pagkakaiba-iba ng mga ito.
Kaya para tuldukan na ang kalituhang ito, tukuyin natin ang pinagmulang salita ng mga nasabing putahe.
“Little” ang katumbas na salin sa Ingles ng “menudo” na mula sa salitang Espanyol. Kaya kung papansinin, maliliit ang hiwa ng karne, atay, carrots, at patatas ng putaheng ito kumpara sa iba.
Ang “afritda”, mula sa salitang Espanyol na “fritada”. Kung isasalin sa Ingles, “to fry” ang katumbas.
Ibig sabihin, kailangang iprito muna ang karne—na kadalasan ay manok—, carrots, at patatas na ilalahok sa afritada bago pakuluin.
“To put oil” naman ang katumbas na salin ng salitang “mechar” na pinagkunan ng pangalan ng mechado.
Kadalasang karneng baka ang pangunahing lahok na inilalagay sa mechado. Mayroon din itong carrots at patatas. Ang sarsa nito ay magkahalong tomato sauce, toyo, suka o kaya naman ay katas ng pinigang kalamansi.
Sa kaldero naman niluluto ang kaldereta dahil mula umano ito sa salitang “caldera” na ang katumbas na salin sa Ingles ay “cauldron”.
Karne ng kambing ang kadalasang pangunahing sangkap sa kaldereta at mas masarap kung mas maanghang. Gaya ng tatlong nauna, mayroon din itong patatas at carrots. Pwede ring lagyan ng keso kung gugustuhin.
Pero kapag nagsimula nang mangalampag ang mga bulate sa loob ng tiyan, ano pa bang pakialam natin sa mga paliwanag na ‘yan?