Inamin ng kontrobersyal na dating broadcaster na si Jay Sonza na nakakatanggap siya ng ₱1,000,000 kada buwan bilang consultant ng broadcast operations ng Sonshine Media Network International (SMNI).

Lumitaw si Sonza sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises hinggil sa umano'y ilang paglabag ng SMNI, na isinagawa nitong Lunes, Disyembre 11.

Mula mismo sa bibig ni Sonza na siya ay consultant for broadcast operations ng SMNI at milyon ang ibinabayad sa kaniya sa bawat buwan, bilang suweldo.

Aniya, nagsimula siyang magtrabaho sa SMNI noong Marso 20, kaya kung susumahin, nasa ₱8M na ang natatanggap niya mula sa network.

DSWD, ‘to the rescue' sa viral PWD na kinuyog sa EDSA carousel

Dumalo rin sa nabanggit na hearing si SMNI President Marlon Rosete, na nagpatotoong kaya at pinapayagan si Sonza na gampanan ang tungkulin bilang consultant, at magsagawa ng management at executive decisions.

Bago ang SMNI, si Sonza ay naging mamamahayag sa ilalim ng ABS-CBN at GMA Network.

Si Sonza ay isa sa mga kritiko ng Kapamilya Network, na nawalan ng prangkisa noong 2020 matapos hindi i-renew dahil umano sa mga paglabag.

Habang isinusulat ang artikulong ito ay trending na sa X si Jay Sonza.

Photo courtesy: Screenshot from X/via Richard de Leon

Samantala, kamakailan lamang ay naharap sa kasong estafa at libelo si Sonza subalit siya ay agad na nakapagpiyansa at pansamantalang nakalaya.

MAKI-BALITA: Jay Sonza pansamantalang nakalaya matapos makapagpiyansa