Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 1,821 bagong kaso ng COVID-19 mula Disyembre 5 hanggang 11.
Batay sa inilabas na national COVID-19 case bulletin ng DOH, ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 260.
Ito ay mas mataas ng 36 percent kung ikukumpara sa mga kasong naitala noong Nobyembre 28 hanggang Disyembre 4.
Anang DOH, sa mga bagong kaso, 13 ang may malubha at kritikal na karamdaman habang mayroon namang naitalang 13 na pumanaw, kabilang ang anim na naganap noong Nobyembre 28 hanggang Disyembre 11.
Nabatid na noong Disyembre 10, 2023, mayroong 228 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital dahil sa COVID-19.
Sa 1,298 ICU beds naman para sa mga pasyenteng may COVID-19, 176 kaso o 13.6% ang okupado habang 1,833 kaso o 16.5% naman ng 11,111 non-ICU COVID-19 beds ang kasalukuyan ding ginagamit.
Kaugnay nito, pinapaalalalahan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19.
"Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar. Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng COVID-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster," ayon pa sa DOH.