Patuloy na nagdudulot ng inspirasyon ang kuwento ng pagtatagumpay ni Engineer Mark Allen Armenion mula sa Cebu City, hindi lamang sa mga nangangarap maging inhinyero, kundi maging sa mga mag-aaral na pilit na lumalaban sa buhay para makamit ang pinapangarap na diploma.
Si Engineer Mark Allen ay top 2 lang naman sa February 2022 Mechanical Engineering board exam, at ngayon, siya ay isa nang ganap na mechanical engineer.
Subalit sa panayam ng Balita kay Engr. Mark, hindi naging madali ang kaniyang pag-aaral. Ang kaniyang mga magulang ay kayod-kalabaw para lamang matustusan ang kanilang mga pangangailangan. Ang tatay niya ay tagaluto ng lechon at ang nanay naman ay nagtitinda ng mga uling.
Dahil maagang namulat sa pagbabanat ng buto, nagtrabaho bilang kargador sa palengke si Mark Allen. Elementarya pa lamang, talagang pinalakas na niya ang mga bisig at katawan upang makarga ang mabibigat na pasanin sa palengke, at gayundin sa buhay.
Hindi lamang katawan ang lumakas kay Mark Allen kundi maging ang loob.
Hindi rin naging smooth ang pag-aaral ni Mark Allen dahil dalawang beses na siyang nadapa sa pag-aaral. Bumagsak siya noong siya ay Grade 3 at noong Third Year High School.
Pinanghinaan na siya ng loob noon na mag-aral pa dahil sa hirap ng kanilang pinansiyal na kalagayan.
Nang nasa kolehiyo na siya, naglakas-loob siyang mag-enrol sa University of Cebu – Lapu-Lapu and Mandaue (UC-LM) at nag-working student siya.
Ngunit nademolish daw ang bahay nila sa Mandaue City kasama ng iba pang mga kapitbahay, kaya lumipat sila sa Carbon, at lumipat na rin siya sa UC-main.
Dahil sa nangyari, mas naging masigasig si Mark Allen na pagbutihin ang kaniyang pag-aaral. Cum Laude sana siya kung tutuusin, subalit hindi siya naging kandidato dahil isa siyang transferee.
Kaya minabuti na lamang niyang pag-igihin at bumawi sa board exam. Hindi naman siya nabigo dahil siya ang rank 2.
Sa kasalukuyan, nagtatrabaho na si Engr. Mark Allen sa "Cebu 2 World Development, inc. bilang isang site engineer."
Bukod dito, isa rin siyang part-time instructor sa isang review center para sa mga engineering board takers.
"I'm proud to say that all of my hard work paid off. I passed the board exam with flying colors and became a licensed mechanical engineer," ani Engr. Mark Allen.
Congratulations, Engineer Mark Allen! Nawa ay pamarisan kayo ng iba pang mga nagpupursige sa buhay!
---
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!