Muling magsasagawa ng dalawang araw na malawakang tigil-pasada ang grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) at mga kaalyado nito simula sa Huwebes, Disyembre 14, bilang pagprotesta sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.
Sa isang press conference nitong Lunes, Disyembre 11, inanunsyo ng grupo na isasagawa nila ang dalawang araw na tigil-pasada mula sa Huwebes hanggang Biyernes, Disyembre 15.
Ang naturang transport strike ay bilang pagprotesta umano sa PUVMP ng pamahalaan, kung saan sa darating na Disyembre 31, 2023 na ang nakatakdang deadline para mag-comply ang mga tsuper sa guidelines ng naturang programa.
“Daan-daang libo ang mawawalan ng kabuhayan sa buong bansa pagdating ng December 31. Samantala, magreresulta rin ng malawakang transport crisis ang pagpupumilit sa programa,” giit ng PISTON sa kanilang post.
“Malinaw: walang pakialam ang gobyerno ni Marcos Jr. sa ordinaryong masang tsuper at operator at sa masang komyuter. Ang pinagsisilbihan lamang ng PUVMP ay ang malalaking negosyanteng lokal at mga dayuhang korporasyon,” dagdag pa nito.
Matatandaang noon lamang Nobyembre nang magsagawa rin ang PISTON ng tatlong araw na tigil-pasada bilang pagprotesta sa naturang programa ng pamahalaan.
Taong 2017 nang simulan ng Department of Transportation ang PUVMP. Ngunit tutol dito ang mga jeepney driver at mga operator dahil masyado umanong mahal ang modern jeepneys na maaari raw umabot sa mahigit ₱2 milyon.