Matinding traffic sa MMFF Parade of Stars sa CAMANAVA area sa Dis. 16, asahan
Asahan na ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area dahil sa isasagawang taunang Parade of Stars ng Metro Manila Film Festival (MMFF) sa Disyembre 16, ayon sa anunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ikinatwiran ng MMDA, inaasahang dadagsain ng fans ang parada ng mga float upang masilayan ang mga paboritong artista na tampok sa 10 official film entries.
Magsisimula ang Parade of Star sa Navotas Centennial Park patungong Valenzuela People's Park sa Sabado, dakong 2:00 ng hapon.
Pinayuhan ang lahat ng motorista na pa-Maynila mula Cardoniga St. at San Marcos St. ay kakaliwa sa C4, kakanan sa 7-11, at didiretso sa North Bay Boulevard.
Mananatili namang bukas sa daloy ng trapiko ang bahagi ng C4 papasok ng M. Naval St. at patungong Monumento.
Inabisuhan pa ng MMDA ang mga motorista na umiwas na lamang muna sa mga nasabing lugar
"This year's parade of stars will traverse four cities as we want more people to have a glimpse of the casts of the 10 MMFF entries.
With the expected influx of spectators and movie fans, we have prepared a traffic management plan to mitigate the effects on vehicular flow," sabi naman ni MMDA chairman Romando Artes.
Pansamantala ring isasara ng MMDA ang mga sumusunod na lugar:
• C-4 Road (mula Navotas Centennial Park hanggang A Mabini St.)
• Samson Road (mula A. Mabini St. hanggang Monumento Circle)
• Mc Arthur Highway (mula Monumento Circle hanggang C. Santos Street)