Matapos magpaanod ng tatlong araw makaraang masiraan ng bangka, nasagip din ang isang mangingisda sa karagatang bahagi ng Romblon nitong Linggo, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) nitong Lunes.
Si Efren Ramento, 48, taga-Barangay Pagsanjan, Sitio Bugawan, San Francisco, Quezon, ay nailigtas ng ilang mangingisda sa bisinidad ng karagatang sakop ng Brgy. Poblacion, Magdiwang, Romblon nitong Disyembre 10.
Probinsya
Pagpapapako ni Ruben Enaje sa krus, matutuldukan na ngayong taon?
Sa report ng Coast Guard, lumusong si Ramento sa karagatang sakop ng Brgy. Pagsanjan nitong Disyembre 7, dakong 4:00 ng hapon upang mangisda sakay ng FBCA KATAS.
Gayunman, nasiraan ng makina ang bangka ni Ramento kaya't nagpalutang-lutang na lamang ito sa pagitan ng karagatang bahagi ng San Francisaco, Quezon at Burias Island sa loob ng tatlong araw bago ito mailigtas.
Hinila na rin ng ilang bangkang de-motor ang nasiraang bangka patungong baybayin ng Magdiwang.
Idinagdag pa ng PCG, maayos na ang kalagayan ni Ramento kaya't inihatid na ito sa kanyang pamilya.