Patay ang isang electrician nang gulpihin umano ng isang barangay tanod dahil lamang sa pagtatalo sa kuryente sa Pandacan, Manila nitong Linggo ng hapon.

Ang biktimang si Raynaldo Traballo, 54, ng 1228 Durian St., Kahilum 2, Pandacan, Maynila ay namatay habang ginagamot sa Sta. Ana Hospital.

AFP, inanunsyo pagbabago sa kanilang social media accounts vs mga 'trolls'

Tinutugis na ng mga pulis ang nakatakas na suspek na si Geraldo Humagio, 37, barangay tanod sa naturang lugar.

Lumilitaw sa pagsisiyasat ni PSSg Irene Jay Manalili, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, na naganap ang insidente dakong alas-5:40 ng hapon sa Paras St., Kahilum 2, Pandacan.

Bago ang pambubugbog ay nakikipagtalo umano ang biktima sa isang babae kaugnay sa tinanggal na linya ng kuryente.

Nakita umano ito ng suspek kaya't niyaya ang dalawa na sa barangay na lamang mag-usap.

Gayunman, hindi umano naging maganda ang sagot ng biktima sanhi sampalin siya ng suspek.

Tumakbo umano ang biktima ngunit hinabol ng suspek at muli umanong sinaktan at tinuhod pa sa tagiliran.

Nang makatakas mula sa suspek ay dumiretso ang biktima sa presinto para magreklamo.

Nagpasugod din umano ang biktima sa mga pulis sa pagamutan ngunit nasawi rin kinagabihan.